APAT katao ang binawian ng buhay habang 15 ang nasugatan matapos bumigay ang lumang tulay ng Clarin sa Loboc River sa bayan ng Loay, lalawigan ng Bohol, nitong MiyerkOles ng hapon, 27 Abril.
Ayon sa ulat, bumigay ang tulay pasado 4:00 pm kahapon at may mga dumaraang sasakyan nang maganap ang insidente.
Matatandaang napinsala ang tulay noong nilindol ang Bohol noong 2013 ngunit patuloy na pinadaraanan sa mga sasakyan habang hindi pa tapos ang konstruksiyon ng bagong tulay sa tabi nito.
Samantala, patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa isang Facebook live, itinurong dahilan ni Bohol Governor Art Yap ang pagbagsak ng tulay dahil sa hindi umaandar na trapiko.
Ani Yap, sinabi ni Engineer Magiting Cruz ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na para lamang sa umaandar na mga sasakyan ang tulay.
Posible umanong dahil hindi na kinaya ng tulay ang bigat ng mga cargo trucks na nasa tulay kaya ito tuluyang bumigay. (KARLA OROZCO)