TULOY ang kaso ng Salem Investment Corporation laban kay Mariano Nocom, Jr.
Ito ang pahayag na inilabas ng Salem matapos pormal na iurong ni Mariano, Jr., ang inihaing kasong Qualified Theft noong Enero laban sa kanyang mga kapatid at iba pang kaanak na nasa korporasyon.
Si Mariano, Jr., anak ng namapayang tycoon na si Mariano Nocom, Sr., ay nagsampa ng kaso sa hinalang ninakawan ‘umano’ ng kaniyang mga kapatid at kaanak ang korporasyon.
Sa pamamagitan ng mga abogadong kumakatawan sa Salem, ang Fortun, Narvasa & Salazar ay iginiit ng naturang korporasyon na ipagpapatuloy ang kasong isinampa laban kay Mariano, Jr.
Magugunitang noong 1 Nobyembre 2021 ay nagsampa rin ang Salem ng Qualified Theft and Falsification laban kay Mariano, Jr., dahil sa nakolektang renta sa halagang P128,069,792.80 na dapat ay napunta sa Salem.
Kabilang sa kasong kinakaharap ni Mariano, Jr., ang pamemeke sa dalawang pinasok na kontrata gamit ang pangalan ng Salem bilang Executive Vice President na may pahintulot umano mula sa Board of Directors.
Ngunit iginiit ng Salem, sa pamamagitan ng mga abogado, si Mariano, Jr., ay walang pahintulot na pumasok sa mga kontrata at hindi Executive Vice President ng korporasyon.
Banggit ng mga abogado, ang mga inihaing kaso ni Mariano, Jr., laban sa korporasyon at ilang mga kapatid at kaanak ay bilang pagganti at harassment dahil sa mga kinakaharap na kaso.
Kabilang sa mga kinasuhan ni Mariano, Jr., sina Matthew Nocom, Martin Nocom, at and kliyenteng si Albert O. Nocom, Caroline Nocom-Ng, at Helen Lim.
Ngunit sa affidavit of desistance na may petsang 29 Marso 2022 ni Mariano, Jr., sinabi niyang siya ay nagpasiya “to desist from prosecuting the above criminal case…”
Ayon sa mga abogado, napilitan iurong ni Mariano, Jr., ang kaso matapos pasinungalingan ng kanilang mga kliyente at iba pang respondents ang alegasyon sa Pasay City Prosecutor.
“Mariano, Jr.’s desistance results from the realization of the falsity of his claims against our clients,” ayon sa pahayag ng mga abogado.