TAGUMPAY ang Viva Films sa pananakot sa pamamagitan ng kanilang commercial release ng pelikulang idinirehe ni Yam Laranas, ang Rooftop na pinagbibidahan nina Ryza Cenon, Marco Gumabao, Ella Cruz, Rhen Escaño, Andrew Muhlach, Marco Gallo, Epy Quizon, at Allan Paule.
Simula pa lang ng pelikula ay agad nang nagpakaba ang mga eksena, lalo na nang may aksidenteng nangyari nang magkayayaang mag-inuman ang grupo ng mga estudyanteng nagpa-iwan sa eskuwelahang pinamumunuan ng mga pari.
Walang kaalam-alam ang mga pari na may ilang estudyante ang nagpa-iwan para makapag-inuman sa rooptop na ipinagbabawal puntahan sa mga estudyante.
Effective si Direk Yam sa pananakot na talagang habang nanonood ka ay kakabahan ka at mag-iisip sa kung ano ang susunod na mangyayari.
Muling pinatunayan ni Direk Yam na wala pa rin siyang kupas pagdating sa paggawa ng mga horror at suspense movies na talaga namang aabangan sa kung ano ang magiging ending.
Samantala, inamin ni Ryza na may takot siyang napi-feel sa pagpapalabas ng comeback movie niya sa mga sinehan, “We feel the pressure. Alam naman natin na lahat ng tao takot lumabas especially sa sinehan kasi kulob siya. Kinakabahan ako.”
At si Ella sinabi namang, “Iba pa rin ‘yung nakasanayan nilang nakahilata lang sa kama nila at manonood lang sila sa Vivamax.
“Iba pa rin ang experience na makakagala, kasama mo ang tropa para manood. Horror pa. Kapag nasa cinema ka, mas nakatatakot ang horror film. Mas feel mo kasi surround pa ang sound.
Nakakakaba at nakaka-excite at the same time. Sana masuportahan ng lahat.”
Palabas na ang Rooftop sa mga SM Cinemas nationwide kay kung gusto n’yong makapanood ng magandang horror movie ito ang tamang-tamang panoorin. Iba pa ring makapanood ng suspense-horror sa mga sinehan.
Ang Rooftop ay bahagi ng Asian Horror Festival 2022.