Friday , November 22 2024
Ferdinand Marcos Bongbong Marcos Imelda Marcos

 ‘Complicity after the fact’ <br> MARCOS, JR., KASABWAT SA PAGTATAGO NG ILL-GOTTEN WEALTH NG MGA MAGULANG

KASABWAT si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pagtatago ng nakaw na yaman ng kanyang mga magulang kaya dapat siyang managot.

Pahayag ito ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) commissioner Ruben Carranza kaugnay sa ipinakakalat na argumento na hindi kasalanan ni Marcos, Jr., ang pagnanakaw sa kaban ng bayan at pag-abuso sa kapangyarihan ng kanyang amang diktador Ferdinand Marcos, Sr., at inang si Imelda Marcos.

Malinaw aniya sa mga dokumento at desisyon sa Korte Suprema at hukuman sa Amerika na ang mga kasalanan ni Marcos, Jr., ay pagiging kasapakat sa pagtatago at pagpapasasa sa dinambong na yaman ng kanyang mga magulang.

“Well the sins of the father Ferdinand Marcos, Sr., are different from the sins of the son Ferdinand Marcos, Jr., but they have both committed sins. Ang tatay ang may pakana ng pagnanakaw at ‘yung mga unang-unang attempt at hiding ‘yung ill-gotten wealth na ninakaw nila ni Imelda Marcos kaya sabi ng Supreme Court noong 2003 at ito ay malinaw, ‘yung pera na nasa Switzerland na nabawi namin — $680 million, sabi ng Supreme Court ay perang ninakaw ng mag-asawang Marcos mula sa Republika ng Filipinas so malinaw na sinabi ‘yan ng Supreme Court, ‘yun ang mga kasalanan ng namatay na Marcos, Sr. at ni Imelda Marcos,” paliwanag ni Carranza sa programang The Chiefs sa One News kagabi.

               “Pero si Marcos, Jr., kasabwat sa pagtago, paggastos, at muling pagtago ng mga natitirang ninakaw ng mag-asawang Marcos – those are the sins of the son,” giit niya.

Inihalimbawa ni Carranza, ang pagtatangka ni Marcos, Jr., na mag-withdraw sa Swiss banks sa Switzerland noong hindi pa ito na-freeze ng pamahalaan ng Switzerland.

“Kasama riyan ‘yung una nyang attempt, una niyang pagsubok sa pagtago, ‘pag withdraw galing sa Swiss banks noong hindi pa ito na-freeze ng Switzerland. Kalalapag lang nila sa Hawaii ilang linggo pa lang at sumubok si Marcos, Jr., na mag-withdraw no’ng mga hindi pa frozen ang bank accounts sa Switzerland at ‘yung pagtawag niya sa isang Swiss banker habang nasa Hawaii si Marcos, Jr. ‘Yun tuloy ang nag-trigger, isa sa mga nag-trigger sa pag-freeze ng Switzerland sa mga account nila. Isa pa lang ‘yan sa mga ginawa ni Marcos, Jr.,” aniya.

Sa loob aniya ng ilang taong paglilitis sa isyu ng ill-gotten wealth ay si Marcos, Jr., mismo ang tumututol laban sa mga kasong inihain ng PCGG, hindi lang sa Filipinas kundi pati sa Amerika.

“Over the years sa loob ng ilang taon na naglilitis kami laban sa mga Marcos noong nasa PCGG ako and  even before that and after that, si Marcos, Jr., din ang tumututol, lumalaban sa kaso na na-file hindi lang sa Filipinas kundi pati sa Amerika,” ayon kay Carranza.

Ang tawag aniya sa kasalanan ni Marcos, Jr., ay complicity after the fact na ayon sa batas sa Filipinas ay kasama siya sa nagtatago sa mga nakaw na yaman.

“Si Marcos, Jr., ang naghahanap ng paraan na patagalin ang mga kasong ito, ginawa niya ito sa Supreme Court sa Filipinas, ginawa n’ya rin ito sa America, pinapatagal ni Marcos, Jr., ‘yung mga kaso baka sakaling magkaroon ng isang pangulo na kaalyado niya o ngayon ‘yung ginagawa niya baka sakali puwede siyang tumakbo bilang Pangulo at matapos ‘yung mga paghahabol sa kanya so ‘yun ang kasalanan ni Marcos, Jr., ang tawag doon sa complicity after the fact sa ilalim ng batas ng Filipinas kasama siya sa mga nagtatago ng nakaw na yaman.”

Base sa mga dokumentong iniharap sa hukuman, ang legal na kinita ng mag-asawang Marcos mula 1966 hanggang 1985 ay US$304,372.43 – ang katumbas ay P2,319,583.33 noong panahong iyon.

Hindi rin nagsumite ni minsan ang mag-asawang Marcos ng kanilang Statement of Assets and Liabilities and Networth (SALN).

Kaugnay sa P203-B estate tax na atraso ng mga Marcos sa gobyerno, binigyan diin ni Carranza, mas lohikal na itanong sa kanila kung bakit hanggang ngayon ay hindi nila ito binabayaran kaysa ipinakakalat ng kanilang kampo at mismo ni Imee Marcos na bakit ngayon lang inilulutang ang isyu.

“Lagi kong nakikitang mga comment sa posts, hindi lang in relation to what I say on social media or interviews like this na ‘bakit ngayon lang?’ ‘Yan din ‘yung sinabi ni Imee Marcos ‘no, kapatid ni Bongbong tungkol dun sa paghahabol sa kanila sa pagbayad ng real estate tax no’ng namatay na tatay nila, ‘bakit ngayon lang?’ Hindi naman totoong bakit ngayon lang e, sila ‘yung: ‘Bakit hanggang ngayon? Bakit hanggang ngayon ayaw nilang bayaran ‘yung tax? Bakit hanggang ngayon tinututulan nila ‘yung pagsunod sa utos ng Supreme Court noong taong 2003 na ibalik ‘yung mga ninakaw nila?” wika ni Carranza.

Ang dapat aniyang manguna sa pag-iimbestiga ng money laundering laban sa mga Marcos ay ang Anti-Money Laundering Council o ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil malinaw aniya na may nakikinabang sa perang galing sa korupsiyon. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Suspek timbog sa Pampanga
LALAKING NAGKAKAPE UTAS SA BOGA NG KAKOSA

PATAY agad ang isang 55-anyos lalaki nang pagbabarilin sa bahagi ng Tanigue St., Brgy. 14, …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

PAGASA Amihan

Amihan na — PAGASA

IHANDA na ang inyong mga damit na panlamig gaya ng mga jacket, sweater, shawls, at …

Knife Blood

Sa Tondo, Maynila  
CHINESE NAT’L PATAY NANG PAGSASAKSAKIN SA LOOB NG SASAKYAN

NAKAPAGMANEHO pa para iligtas ang sarili ngunit binawian din ng buhay ang isang 46-anyos Chinese …

UAS UNLEASH

UAS Invests in UNLEASH, a Groundbreaking Pet Lifestyle App to Provide Filipinos’ Pet Companions Peace of Mind Through Technology and IoT

UAS (Universal Access and Systems Solutions), a leading technology solutions provider, today announced its strategic …