SUGATAN ang tatlong pasahero nang sumabog ang isang improvised explosion device (IED) sa loob ng isang bus na pag-aari ng Rural Tours na nakaparada sa tabing kalsada sa bayan ng Parang, lalawigan ng Maguindanao, nitong Linggo, 24 Abril.
Ayon kay P/Lt. Col. Joseph Macatangay, hepe ng Parang MPS, naganap ang pagsabog dakong 8:45 am kahapon, may isang kilometro ang layo mula sa regional headquarters ng pulisya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong pasahero.
Dinala ang mga biktima, kabilang ang isang 25-anyos babae, sa Parang District Hospital para lapatan ng atensiyong medikal.
Dagdag ni Macatangay, naka-stopover ang bus na patungo sa lungsod ng Dipolog, sa Brgy. Making, sa nabanggit na bayan, nang maganap ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga taong nasa likod ng papagpapasabog. (K. OROZCO)