PATAY ang isang murder suspect makaraang makipagbarilan sa mga aarestong awtoridad sa kanyang tahanan sa Barangay Payatas B, Quezon City, nitong Linggo ng gabi.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Remus Medina, namatay noon din ang suspek na kinilalang si Rogelio Francisco Mata, 42, residente sa Block 5 Lot 8, Bistekville 5, Brgy. Payatas B, Quezon City, dahil sa mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 7:00 pm, 27 Marso, nang maganap ang insidente sa loob mismo ng tahanan ng biktima sa nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Nido Gevero, Jr., ng CIDU, nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Novaliches Police Station (PS 4), kaugnay sa naganap na shooting incident dakong 4:30 pm noong 22 Marso, sa No. 8 Villareal St., Brgy. Gulod, Novaliches, na napatay ang biktimang si Kevin Delaveres ng dalawang ‘di kilalang lalaki.
Sa isinagawang operasyon, naaresto ng QCPD PS4 na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Richard Ian Ang ang isa sa mga suspek na kinilalang si Arturo Dongil Borces.
Agad itinuga ni Borces ang kasama niya sa pamamaril na si Mata at sinabi kung saan matatagpuan.
Nang makuha ng mga awtoridad ang address ng tahanan ni Mata ay agad silang nagtungo doon pero hindi pa man sila nakalalapit sa bahay ay pinaputukan na sila ng suspek.
Dahil dito, agad nagkubli ang mga operatiba ng PS 4 at gumanti ng baril na nagresulta sa pagkamatay ni Mata.
Nasamsam ng SOCO na pinamumunuan ni P/SMSgt. Federico Manzano sa crime scene ang (1) caliber .45 LLAMA pistol; (1) caliber .45 fired cartridge case; (3) fired cartridge cases; (1) deformed fired bullet; (1) fired bullet; (2) pieces of used foil, at dalawang lighter.
Nakapiit ang suspek na si Borces habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.
“Nagpapasalamat ako sa tapang at dedikasyon ng ating mga tauhan sa QCPD upang maisilbi ang hustisya sa biktima, kahit maaaring malagay pa sa alanganin ang kanilang sariling mga buhay,” pahayag ng QCPD chief. (ALMAR DANGUILAN)