ARESTADO ang isang 25-anyos lalaki, itinurong lider ng mga riot ng mga kabataan partikular ang mga grupo ng Out of School Youth (OSY) sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni MPD-PS2 commander. P/Lt. Col. Harry Lorenzo, dakong 4:00 am habang nagsasagawa ng checkpoint ang kanyang mga tauhan sa kanto ng Moriones at Wagas streets sa kanilang area of responsibility (AOR), ilang motorista ang lumapit sa mga pulis dahil sa sumiklab na riot ng mga kabataan sa kanto ng Mel Lopez Blvd., at Lakandula St., sakop ng Brgy. 29 Zone ll District l sa Tondo.
Alinsunod sa utos na ‘police quick response’ ni P/Lt. Col. Lorenzo, mabilis na nagresponde ang kanyang mga tauhan na nagsasagawa ng Comelec checkpoint.
Naispatan ang suspek na nagpapaputok ng baril sa kasagsagan ng riot sa naturang lugar.
Dahil dito, agad inaresto ang suspek na kinilalang si Ryan Soriano y Alfonso, 25 anyos, residente sa P. Herrera 1, Brgy 26, Zone 1, District 1, Tondo, Maynila.
Nakompiska ang gamit nitong kalibre. 45 baril at ilang bala. Narekober ang isang basyo makaraang magpaputok ang suspek na namataan ng mga pulis.
Nasagip ang kasama nitong si alyas MD, 16 anyos, residente sa Lakandula St., Zone 3, Tondo.
Nabatid na ang suspek na si Soriano ang pinakamatanda sa grupo ng mga kabataan mula Moriones na sumasabak sa riot laban sa ilang grupo ng kabataan na taga-Delpan at Port Area.
Nabatid na ang mga riot ng mga kabataan ay sumisiklab na tila sumasalisi sa pulisya, bagay na tinututukan ng MPD sa kanilang patuloy na pagpapatrolya sa lansangan, batay sa direktiba ni MPD Director P/BGen. Leo Francisco.
Kasalukuyang nakapiit sa MPD PS2 ang suspek na nahaharap sa kasong Alarms and Scandal at paglabag sa Art. 155 at Illegal Possession of Firearms/10591 in relation to Omnibus Election Code o Gun ban.
(BRIAN BILASANO)