Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
GALIT na galit, tinawag na bobo ng dancer/actress Mocha Uson si VP Leni Robredo sa kanyang Tiktok live stream, at hinamon na paimbestigahan ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni dating DILG Secretary Jess Robredo. Kung sino ang nasa likod ng pagkamatay nito, o sadyang pinatay…
Kinuwestiyon din ni Uson ang dahilan kung bakit ni-raid ng mga operatiba ng PNP ang condo unit ng pamilya Robredo.
Sino ba talaga Mocha? Mukhang malaki ang alam ni Mocha ahhhh… napakatapang magsalita! Ganyan ba kapag blind item, malaki ang bayad dahil wala namang ebidensiyang hawak? Wala palang ipinagkaiba si Mocha kay dating senador Trilliling!
***
Lugaw, Bobo, Abugaga, mang-aagaw ng asawa. Mga ibinabansag kay VP Robredo, nakatutulog pa kaya ang tatlong maria ng kanyang pamilya?
Masakit sa mga anak na husgahan ng mga pangit na salita ang kanilang ina, pero sabi nga titiisin mo ang lahat alang-alang sa mga anak.
Sa larangan ng politika, hihimayin lahat-lahat ng alam sa buhay mo, pati bulok at baho ay isasambulat. Ang pinakamasakit ay ‘yung mga paratang na walang katotohanan.
Mas masakit ‘yung ibinabato kay BBM, magnanakaw, tax evader, sinungaling! Bakit ang titindi? Heto ang sagot… dahil isang ‘tahimik na tao’ si BBM na puwedeng makapuwing.
Si BBM ay ‘tahimik na tao’ pero napakalaki ng suportang nakukuha sa mga tao, kaya naman ang mga katunggali nito ay puro demolition job laban kay BBM.
Kahit sino pa ang panalo, sa mamumuno o lider ng ating bansa, patuloy ang mga protesta, korupsiyon sa ating bansa.
Sino ba sa naging Pangulo ng ating bansa ang nagawang burahin ang korupsiyon? Tayong mga botante ang bobo. Dahil tayo ang bumoboto!
***
Nasanay ang mga tao sa ayuda. Ngayong halalan, puno ng tao ang mga city hall. Sa rami ng solicitation sa mga kandidato, hindi na humaharap sa tao, mga staff na lang ang nagbibigay.
Uso kasi ngayon ang drama sa mga solicitor. May sakit, walang makain, nasa ospital, walang pasahe, naputulan ng koryente, etc… Kaya kung wala kang pera, huwag kang kumandidato!
‘Pag ‘di ka nagbigay, ‘di ka iboboto!