ARESTADO ang mag-dyowa at isa pang kasangkot, na hinihinalang tulak ng ilegal na droga, matapos makuhaan ng mahigit sa P.2 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay P/Cpl. Christopher Quiao, nakatanggap ang mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Joel Madregalejo ng impormasyon na nagbebenta ng shabu si Francis Cruz, alyas Joven, 41 anyos, at ang live-in partner na kinilalang si Toni Rose Morales, 30 anyos, kapwa residente sa Captain Cruz St., Brgy. Parada.
Nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Doddie Aguirre ng buy bust operation sa Captain Cruz St., dakong 5:40 am.
Agad inaresto nina P/Cpl. Jhun Ahmard Arances, P/Cpl. Mario Baquiran, at P/Cpl. Jocem Dela Rosa ang mga suspek matapos bentahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isa sa kanila na umaktong poseur-buyer.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 30 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P204,000, marked money na isang P500 bill at walong P1,000 boodle money at coin purse.
Dakong 4:45 ng madaling araw nang madakma din ng kabilang team ng SDEU si Elmer Tibulan, 28, matapos bwntahan ng P500 halaga ng shabu si P/Cpl. Jayson Arce na umakto bilang poseur buyer sa buy bust operation sa Casareval St., Northville 1, Brgy., Bignay.
Ani PCpl Pamela Joy Catalla, nakuha sa suspek ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, marked money, P200 cash, cellphone at coin purse.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2022. (ROMMEL SALES)