KINOMPIRMA ang pagdalo sa proclamation rally ng isang mayoralty candidate sa Maynila ni vice presidential bet, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ngayong araw, 5 Marso 2022.
Sa media forum, sinabi ni Manila mayoralty candidate congressman Amado Bagatsing, inimbatahan nila si Inday Sara at nagkompirma ng kanyang pagdating.
Bukod kay Inday Sara, darating din umano sina Senator Win Gatchialian, Rep. Rodante Marcoleta, PDP-Laban official Energy Secretary Alfonso Cusi, dating PNP Chief Guillermo Eleazar, iba pang kinatawan ng Kongreso at mga konsehal ng lungsod ng Maynila .
Nang tanungin kung sino susuportahan ang susuportahan niyang presidente, ang tanging isinagot ni Bagatsing ay “Secret.”
Hindi inilinaw ni Bagatsing kung sino ang susuportahan niyang presidential aspirant sa kabila na si Inday Sara ang susuportahan niyang bise presidente.
Unang itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kamay ni Bagatsing bilang mayoralty candidate sa Maynila.
“Inimbita ako ng Presidente, sabi niya sumama kana muna sa PDP Laban, tutal local party lang naman… alam mo na mataas ang respeto ko kay Presidente Digong, so, itinaas niya ang kamay ko, kinarga ko ang PDP-Laban,” wika ni Bagatsing nang tanungin kung bahagi siya ng nasabing partido.
Ayon kay Bagatsing, tumakbo siya dahil may nagawa na siyang batas para sa Manilenyo at sa buong bansa — ang Pag-IBIG Law, na nakatulong sa pagkakaroon ng sariling bahay at lupa ng bawat pamilyang Filipino.
Bukod dito, planong busisiin ni Bagatsing ang ordinansa ng Manila LGU na non-contact apprehension na lalong nagpapahirap sa mga maaralita dahil sa malaking penalty.
Kasama rin sa kanyang plano ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga centenarian senior citizens at marami pang iba. (NIÑO ACLAN)