Sunday , December 22 2024
Usaping Bayan ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD

Bakit ayaw ko sa mga Neo-Liberal

USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

 (Basahin at pag isipan kung bakit. Huwag lang basta mag react nang negative).

BAKIT hindi ako susuporta sa isang Neo-liberal tulad ni Leni. Walang sinisino ang kasaysayan. Iiwan ka nito kung babagal-bagal ka at makikita mo lamang ang kinang nito ilang taon matapos maganap ang pangyayari. Ito ‘yung tinatawag na ‘hindsight.’

Noong 1986 ay nangyari sa EDSA ang unang “color revolution” sa ating bahagi ng mundo (ito ang naging plataporma o hulma ng mga sumunod na color revolutions sa iba’t ibang lugar sa Gitnang Silangan at Silangang Europa na naging dahilan ng labis na kahirapan, pagkaalipin at kamatayan ng mga tao roon).

Gamit ang mga popular na isyu at ang pailalim na tulong ng mga dayuhan (na noong mga panahon na iyon ay nangangamba dahil sa lakas ng kilusang tunay na mapagpalaya) nagawa ng mga tradisyonal na oligarkiya na sulsulan ang taong bayan para suportahan ang paksyong militar, na sa panahong iyon ay nakubkob na sa Kampo Crame at Aguinaldo dahil sa tangkang coup. Ibig nilang palitan si Marcos at supilin ang kilusang mapagpalaya.

Dahil may matinding karamdaman ay napatapon ang dating Pangulong Ferdinand Marcos at kanyang pamilya sa Hawaii, at ang pamunuan ng pamahalaan ay napunta sa mga tradisyonal na oligarkiya na ang unang ginawa ay ‘bawiin (o nakawin?) ang mga ninakaw umano’ ng mga Marcos.

Bukod dito lalong binuksan ng mga oligarkiya ang ekonomiya ng bansa sa mga dayuhan at isinapribado ang mga sektor na mahalaga at nakatutulong sa taong bayan tulad ng Kadiwa, Petron at marami pang iba.

At bilang pagsunod sa International Monetary Fund at World Bank ay ibinasura din nila ang plano ni Marcos noong 1981 na gawing industriyalisado ang bansa. Ito ay higit na naging mas mapaminsala sa bayan kaysa sinasabing pagnanakw ng mga Marcos.

Dahil dito ay naging bansot ang ekonomiya ng bansa at naghirap ang taong bayan. Walang mahusay o matinong lider ang nakapalit kay Marcos. Walang may pananaw o vision ang umupo sa Malacañang bagkus, kompara kay Marcos, mga taong may mababang kalidad lamang ang tumangan ng poder ng bayan.

Ngayong darating na eleksiyon ay may pagkakataon tayo na ituwid ang mali sa ating pangkalahatang kasaysayan. Dahil dito ay hindi ko susuportahan ang isa na namang Neo-liberal na nag-aanyong maamong tupa. Lalo lamang nitong bubuksan ang ekonomiya ng bansa at dahil kagaya siya ni Cory Aquino ay tiyak na aasa lamang sa mga teknokrat na aral sa mga kanluraning unibersidad para patakbuhin ang pamahalaan.

Lalo lamang ibabaon ng mga Neo-liberal ang bayan sa hirap at mga patay-gutom na dayuhan at lokal na korporasyon. Tama na ‘yung 36 taon na panahon ng mga Neo-liberal sa poder. Sobra na ‘yun.

Huwag tayong magpabulag na ang problema ng bayan ay korupsiyon. Ang korupsiyon ay sintomas lamang ng tunay na problema. Ang paghahari ng mga Neo-liberal na ginagabayan ng IMF-WB ang tunay na problema ng bayan. Ang kailangan natin ay ‘yung magsusulong ng Makatao, Makabayan at Maka-Diyos na ideolohiyang Filipino at industriyalisasyon na malaya sa mga dayuhan.

‘Yung malakas na lider na kayang supilin at wakasan ang mga pasaway na Neo-liberal. ‘Yun ang kailangan natin.

Mabuhay ang Filipinas…Mabuhay ang bayan…kasihan nawa tayo ng Diyos.

“Masdan mo ang liwanag kung iyong hahanapin makikita mo rin kahit sa dilim…”

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …