Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
SARI-SARING gimik ang estratehiya ng mga kandidato sa lokal, nandiyan ang magbigay ng ayuda kuno, magpa-raffle ng kung ano-anong bagay, FB live streaming, at marami pang iba. Ang kaigihan lang nito ay marami ang nakikinabang lalo sa mga pa-raffle.
Hanggang ngayon marami pa rin ang hindi alam kung sino sa presidential candidates ang dadalhin, dahil halos lahat ng kandidato sa nasyonal ay welcome mangampanya o magsagawa ng kanilang mga rally.
Pero teka, ano itong nabalitaan ko na hindi makapasok ng Cavite City ang lahat ng presidential candidates, hindi raw pinahihintulutan ni Mayor Toti Paredes, dahil ang anak nitong babae na si Apple Paredes ay kandidato sa pagka-alkalde dahil huling termino na ni Mayor Toti. Suportado raw ni Paredes si VP Leni Robredo! Ibang klase si Meyor!
Itong si Mayor Toti Paredes ay nagpiyansa kamakailan ng P200k sa Mandaluyong Regional Trial Court matapos magpalabas ng arrest warrant ang Department of Justice sa kasong rape na isinampa ng isang menor de edad. Laking gulat ng lahat dahil mga kasong Child Abuse at Exploitation lamang ang kaso! Parang may naaamoy ako. Magkano?
Ang tanong ay sa kasong Child Abuse, anong uri ng pang-aabuso? Gayong sa complaint affidavit ay ginahasa siya ni Mayor. Kailan at saang motel? Anong nangyari sa salaysay ng biktima? Kung magulo ang larangan ng politika, magulo na rin ang hustisya!