WALA NANG BUHAY nang lumutang sa dagat ang isang mangingisda matapos sumisid nang magkaroon ng problema ang propeller ng kanilang bangkang pangisda sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Noli Sentilleces, 34 anyos, ng Ferry No. 5 Brgy., San Roque.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon nina P/SSgt. Levi Salazar at P/Cpl. Dandy Sargento, dakong 11:15 pm, nagsasagawa ng kanilang gawain ang biktima at kanyang katrabaho na si Ricardo Simbulan, 36 anyos, habang sakay sa kanilang fishing vessel na Princess Judy Ann, ang may kabuuang bilang na 33 crews kabilang ang piloto nito sa karagatan ng Manila Bay nang magkaroon ng problema sa propeller ng kanilang bangka.
Dahil dito, tumalon sa dagat ang biktima para suriin at ayusin ang nasabing problema ngunit ilang sandali pa ang nakalipas ay hindi pa umaahon kaya nagduda ang saksi.
Agad humingi ng tulong sa kanilang piloto at iba pang kasamahang tripulante para hanapin ang biktima.
Kalaunan ay natagpuan ang biktima na sugatan habang nakalutang sa dagat dahilan upang dalhin ang katawan sa dalampasigan ng Pondohan, Brgy., Tangos saka ipinaalam sa pulisya ang insidente.
Sa isinagawang ocular investigation ng pulisya kasama ang kapatid ng biktima na si Riches Sentilleces, 38 anyos, sa Fishing Vessel Princess Judy Ann, kombinsido sila na walang naganap na foul play sa naturang insidente. (ROMMEL SALES)