MATAGUMPAY ang isinagawang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operatios (SACLEO) ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang makaaresto ng 137 drug suspects, 112 wanted persons, at 19,855 ordinance violators sa loob ng isang linggo sa lungsod.
Ayon kay QCPD Director, P/BGen. Remus Medina, isinagawa ang operasyon nitong 14-20 Pebrero 2022 na nilahukan ng 16 himpilan ng pulisya ng QCPD.
Batay sa tala ng District Operations and Plans Division, 57 anti-drug operations ang ikinasa ng QCPD na nagresulta sa pagkakaaresto ng 137 drug suspects at pagkakasamsam ng 261.58 gramo ng shabu at 1,365 grams ng tuyong dahon ng marijuana na tinatayang may kabuuang halaga na P2,072,084.
Samantala, 118 warrants of arrest ang inihain ng pulisya laban sa mga akusadong nahaharap sa mga kasong kriminal na nagresulta sa pagkakahuli ng 112 wanted persons; habang nasa 19,855 katao ang naitalang lumabag sa ordinansang ipinapatupad sa lungsod at 5,351 sa mga nabanggit ang pinagmulta.
Nakapagtala ng 525 operasyon sa pagpapatupad ng RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code na naging dahilan ng pagkaka-impound ng 1,399 motorsiklo at sasakyan; habang 39 ang ikinasang anti-illegal gambling operations na nagresulta sa pagkakadakip sa 109 katao at pagkakasabat ng perang nagkakahalaga ng P71,804 na ginamit sa transaksiyon.
Nagkasa rin ng anim na Oplan Katok ang pulisya para sa mga residente ng lungsod na nagdadala ng expired gun license at registration na nagdulot sa pagkakaaresto ng apat na suspek at pagkarekober ng 11 baril; habang dalawang anti-carnapping operation ang isinagawa na ikinadakip ng dalawang suspek.
Tatlo ang naitalang patay sa operasyong ito na kinabibilangan ni Arthur Agpalo, alyas Eagleman, at sangkot sa pamamaril na naganap noong 14 Pebrero 2022 sa Niño St., Brgy Holy Spirit, Quezon City. Matatandaang nabaril ng mga operatiba ng Holy Spirit Police Station (PS 14) ang suspek matapos pumalag at tangkaing i-hostage ang pito katao sa kagustuhang makatakas mula sa kustodiya ng pulisya.
Agad dinala sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang nasabing suspek para sa agarang lunas medikal ngunit idineklara itong dead-on-arrival.
Dalawang hindi kilalang suspek sa pagnanakaw ang namatay matapos magresponde ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa naganap na robbery hold-up dakong 12:10 am nitong 20 Pebrero 2022 sa Araneta Ave., corner G. Roxas Sr., Brgy. Manresa, Quezon City.
Ang mga drug suspect na nadakip ay mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang mga hukumang pinagmulan ng utos ng pagdakip ay aabisohan sa pagkaaresto ng wanted persons.
“Lubos nating binibigyang halaga ang ating tungkuling pagpapatupad ng batas, gayondin upang siguraduhin ang kaligtasan ng ating mamamayan sa Lungsod Quezon. Kung kaya, isinagawa natin ang malawakang operasyong ito upang bigyang katuparan ang mandatong mapanatili ang ligtas at protektado nating komunidad laban sa masasamang loob,” ani P/BGen. Medina. (ALMAR DANGUILAN)