‘SEPTIC SHOCK’ ang sinisi sa pagkamatay ng dalawang preso habang nakapiit sa Holy Spirit Police Station (PS-14) ng Quezon City Police District (QCPD), noong Linggo ng umaga.
Kinilala ang mga detainee na sina Allan Rey Papa, 41, walang asawa, residente sa D. Calamba St., Brgy. San Isidro Labrador, QC, at Vergel Delima Corpuz, 31, walang asawa, naninirahan sa Luzon Ave., Brgy. Pasong Tamo, QC.
Si Papa ay naaresto ng mga operatiba ng PS-14 ng QCPD, noong 28 Enero 2022 sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002), habang si Corpuz ay nadakip noong 23 Enero 2022 sa mga kasong paglabag sa Article 327 (Malicious Mischief) at Article 155 (Alarms and Scandal) ng Revised Penal Code.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Nido Gevero, Jr., ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, bandang 11:30 am, 6 Pebrero, nang matagpuang wala nang buhay ang dalawa sa loob ng piitan ng PS-14.
Sa report ng Duty Desk Officer na si P/SSgt. Ron Gumabao ng Culiat PCP, (PS-14), tinawag umano ang kaniyang pansin ng mga preso at sinabing nahihirapan umano silang huminga.
Agad ipinadala ni P/SSgt. Gumabao sa kaniyang mga kasamang duty jailer na sina P/SSgt. Mark Sotto, Patrolmen Sarlie Igharas at Lester Flores ang mga preso sa Quezon City General Hospital ngunit kapwa binawian nang buhay.
Nabatid na “Septic Shock” ang ikinamatay ng nasabing mga preso. (ALMAR DANGUILAN)