NANAWAGAN ang pamahalaang lungsod ng Navotas sa mga Navoteñong nakahanap ng kanilang forever at hindi pa kasal pero nagsasama na, para lumahok sa libreng “Kasalang Bayan,” isang programa ng lungsod tuwing sasapit ang buwan ng mga puso.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, kailangan 25 anyos pataas at nagsasama ng limang taon pataas, may mga anak, at handa ng “mag-I Do,” ang maaaring sumali sa Kasalang Bayan na gaganapin sa 14 Pebrero 2022.
Gaganapin ang libreng kasalan tampok ang 40 magkasintahan sa libreng kasalan ng pamahalaang lungsod.
Ang 20 sa kanila ay ikakasal dakong 9:00 am sa Kapitbahayan Elementary School habang ang 20 ay dakong 3:00 pm sa NBBN Elementary School.
Sa mga gustong mag-apply sa programang ito ng pamahalaang lungsod, pumunta sa Local Civil Registrar’s Office sa 1st floor ng Navotas City Library, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 am hanggang 5:00 pm.
Kabilang sa dadalhing requirements ang Certificate of No Marriage (CENOMAR) ng magkasintahan, birth certificate ng magkasintahan, at birth certificate ng kanilang mga anak.
Paalala ng pamahalaang lungsod, hanggang 11 Pebrero 2022 maaaring mag-apply sa programang ito kaya magmadali na. (ROMMEL SALES)