ISANG 17-anyos Grade 9 student ang arestado makaraang makuhaan ng baril-barilan ng mga nagrespondeng pulis sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Navotas City police chief Col. Dexter Ollaging, nagsasagawa ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 4 ng Oplan Sita sa kahabaan ng Lapu-Lapu St., Brgy. NBBS, Dagat-Dagatan nang isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at inireport ang hinggil sa grupo ng mga menor de edad na nagdudulot ng kaguluhan sa Tumana Bridge sa nasabing barangay dakong 10:30 pm, at isa rito ay may bitbit na baril.
Agad pinuntahan ng mga pulis ang naturang lugar at nakita ang grupo ng mga kabataan na nagkakagulo pero nang lapitan nila ay mabilis na nagpulasan sa magkakaibang direksiyon.
Nanatili ang isa sa kanila kaya inutusan ng mga pulis na itaas ang suot na damit at doon nakita ang isang baril na nakasukbit sa kanyang baywang, dahilan upang arestohin ang binatilyo na nakuhaan ng isang firearm replica.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code. (ROMMEL SALES)