SWAK sa kulungan ang isang factory worker matapos undayan ng saksak ang security guard na pinagbintangang sumita sa kanya sa Malabon City, kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Henry Marquez, 41 anyos, residente sa Inda Maria St., Brgy. Potrero sa nasabing lungsod.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa nakompiskang patalim sa suspek.
Batay sa ulat na isinumite ni P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon City police chief P/Col. Albert Barot, dakong 12:30 am, habang nakatayo ang biktima sa harap ng binabantayang establisimiyento sa Inda Maria St., Brgy. Potrero si Raffy Diamos, 28 anyos, residente sa Ramon Delfin St., Brgy Marulas, Valenzuela City nang lapitan ng suspek at tanungin ng: “Ikaw ba ‘yung nanita sa akin?” sabay bunot ng patalim saka hinalihaw ng saksak ang biktima.
Sa kanang pulso nahagip ang biktima kaya’t nagawa niyang makatakbo at makahingi ng tulong sa mga nagpapatrolyang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakuha ng mga umarestong pulis sa suspek ang ginamit na patalim sa pananaksak habang nalapatan agad ng lunas ang saksak sa biktima sa pinakamalapit na pagamutan. (ROMMEL SALES)