ISANG mobile vaccination drive ang inilunsad sa Quezon City District 5 ng konsehal at congressional candidate na si Patrick Michael “PM” Vargas sa kanyang kaarawan noong Huwebes sa ilalim ng proyektong “Bakuna Bus” ng Philippine Red Cross (PRC).
Layunin ni Vargas na makaabot ang serbisyong ito sa mga lugar kung saan marami pa ang mga hindi nababakunahan lalo ngayong muli na namang tumaas ang bilang ng mga nagpositibo sa CoVid-19.
Ito ay bunsod ng maigting na suporta na ibinibigay ng Philippine Red Cross chairman at Chief Executive Officer (CEO), Senator Richard Gordon kay Councilor PM Vargas na siya namang Red Cross QC Novaliches Branch Council chairman.
Isa ang programang medikal sa mga tinututukan ni Vargas sa kanyang plataporma.
Kasama rito ang pamamahagi ng vitamins at anti-CoVid-19 kits sa iba’t ibang barangay sa District 5.
Ngayong Biyernes mismo ay naglunsad si Vargas ng bloodletting activity na isang proyekto sa ilalim ng PRC.
Hindi ito ang unang beses na naglunsad ng programang medikal si Vargas sa tulong ni Sen. Gordon.
Noong nakaraang taon, namahagi si Vargas ng food packs mula sa Red Cross Food Truck sa Brgy. San Agustin sa Quezon City sa pakikipagtulungan ng PRC at Red Cross Novaliches para matugunan ang agarang pangangailangan ng mga tao, lalo na ang persons with disability (PWD) community sa barangay.
Kaugnay ito ng programang Red Cross CoVid-19 Emergency Response kung saan nagtalaga ang kampo ni Vargas sa tulong at gabay ni Sen. Gordon ng CoVid-19 emergency tents at handwashing stations sa Novaliches District Hospital.
Nagsagawa rin sila ng mga medical mission sa Novaliches na naglalayong magbigay ng libreng serbisyo gaya ng konsultasyon sa doktor, ECG, X-ray, pagbibigay ng gamot.
Hindi rin nawawala ang bloodletting activity na pinakakilalang programa ng PRC.
Isa sa pinakamalaking proyekto ni Vargas sa ilalim ng PRC ang Red Cross Multipurpose Cash Grant kung saan daan-daang pamilya ng District 5 ang nabahagian ng ayuda.
Lubos ang pasasalamat ni Vargas kay Gordon dahil sa walang sawa nitong paggabay, pati na sa palagian nitong pagsuporta sa weekly online raffle para sa mga residente ng District 5 sa Quezon City.