HATAW News Team
MAY KLARO at malinaw nang nagawa si Partido Reporma standard bearer Panfilo Lacson sa usapin ng pagbuwag ng korupsiyon, habang ang ibang kandidato ay puro pangako at salita lamang tungkol sa paraan ng paglilinis ng gobyerno.
Sa panayam sa DWIZ radio, nabanggit kay Lacson ang impresyon ng publiko na karamihan sa mga kandidato ay puro lamang pangako pero hindi naman natutupad pagdating ng takdang panahon.
“Ginagawa ko na e. [Noong] Chief PNP ako, ginawa ko na, tinigil ko ‘yung corruption sa PNP. Noong Senador ako, maski may nakakaaway ako, talagang nagbabantay ako ng corruption. Karamihan ng mga privilege speeches ko, mula’t sapol hindi ba tungkol sa maling paggastos ng kaban ng bayan,” maiksi at klarong tugon ni Lacson sa nabanggit na impresyon.
Ibinigay niyang halimbawa ang pangunguna niya sa pagkalkal sa malawakang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Health, at Bureau of Customs na naging daan para makasuhan ang ilang matataas na opisyal nito.
Gayonman, binanggit din niya ang malungkot na katotohanang may mga botante pang nahuhulog sa mga hungkag na pangako ng ilang kandidato, habang ang iba ay binabalewala na lamang ang korupsiyon sa gobyerno dahil sa nakasanayang kalakaran.
Kaya payo ni Lacson sa mga botante, lalo pa sa mga nagsasabing pare-pareho lang naman ang mga tumatakbo sa pagkapangulo — magaling mangako pero wala naman talagang aksiyon kapag nanalo —tingnan ang mga nagawa na ng kandidato at hindi ang mga ipinapangako pa lang.
Paliwanag ni Lacson, hindi dapat hinahayaan ng mga Filipino ang mga pagnanakaw sa kaban ng bayan.
“Kasi hindi natin sineseryoso masyado e. Para bang [sinasabi]: ‘Sige na, ganyan talaga kalakaran e.’ Pagka ganoon kasi ‘yung attitude, wala talaga tayong pupuntahan,” aniya.
“Sabi nga nila, kasi panahon ng kampanya, pangako rito pangako roon. Ang sagot ko naman doon ‘ang tagal ko nang ginagawa ‘yan.’ Sa tinagal-tagal ko sa serbisyo — mula roon sa military, sa police, sa legislature — ni minsan hindi ako tumanggap ng suhol,” dagdag ni Lacson.
Nanawagan din siya sa lahat na pakinggan ang inilalatag niyang solusyon sa isyu ng ‘pagnanakaw sa gobyerno’ dahil sa kanyang track record o mahusay na pagganap sa tungkulin sa pagsusuri sa mga pangunahing problema ng bansa partikular sa wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan.
“Paliwanag ako nang paliwanag, kung hindi naman kayo interesado makinig, at ang gusto n’yo lang marinig ‘yung mga mabababaw na isyu na halata mo naman ‘yung pangako hindi kayang pangatawanan ay nasa sa inyo,” dagdag ni Lacson.
Aniya, hindi problema ang komunikasyon sa nakalulungkot na sitwasyon ngayon, sa halip posibleng ugat nito ang problema sa pagitan ng nagbibigay ng mensahe at tumatanggap nito na kinakailangan ng malaking pagbabago para magkaroon ng pagkakaunawaan.
“Kaya tayo baon sa utang ay [kasi] hindi natin na-a-appreciate [ang maliliit na tagumpay sa laban kontra korupsiyon],” sabi pa ni Lacson hinggil sa kanyang isinusulong na kampanya laban sa katiwalian.
“Imagine kung pareho mong i-improve ‘yon, mawawala ‘yung leakage sa revenue collection [at] mawawala rin ‘yung leakage sa paggastos sa expenditure. Lalo nang gaganda talaga ‘yung buhay ng bawat Filipino na kababayan natin,” aniya.