HATAW News Team
UMABOT na sa P300 bilyon ang nailigtas ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson dahil sa kanyang mahigpit na pagbabantay sa pambansang budget bilang bahagi ng kanyang tungkulin at malinis na serbisyo sa Senado.
“Alam n’yo ‘yung kuwenta ng staff ko no’ng ito na, itong huli, kasi 18 years… Umaabot na pala ng P300-billion ang nailigtas sa kaban ng bayan doon sa 18 taon ng kabubusisi ko,” pagsisiwalat ni Lacson sa kanyang pakikipag-dialogo sa mga miyembro at opisyal ng transport sector sa Quezon City.
Ayon pa sa batikang mambabatas, sa kanyang 18-taon sa Senado, taon-taon niyang binubusisi ang budget, kaya naman bilyon-bilyon ang nasagip sa kaban ng bayan.
“Sa loob ng 18 taon na kabubusisi ko ng budget, kinakaltas ko ‘yung alam kong walang pagpupuntahan ‘yung pera, alam kong aabusuhin lamang, inaalis ko ‘yon. Inililipat ko, halimbawa, sa isang ospital para magamit o kung saan man,” sabi ni Lacson.
Dahil dito, naging target umano si Lacson ng maraming politiko. Aniya, “Marami nga ang nagagalit sa akin. ‘Yung mga kasamahan naming congressman, ang sabi nila: ’Yan si Lacson sobrang higpit, lahat kinukuwestiyon.’”
“Bakit ko ginagagawa? E kasi nga sino ba ang naiisip ko? ‘Di ba, ‘yung pangkaraniwang Filipino na tinatamaan kasi hindi alam kung saan pupunta [‘yung budget],” lahad ng mambabatas na dating hepe ng pambansang pulisya.
Ayon kay Lacson, “Pera natin ‘yun e, pera ninyo, pera nating lahat. Bakit hindi natin babantayan?”