Saturday , January 24 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph

2 suspek umamin
SURGEON UROLOGIST PINATAY SA P150K UPA SA HIRED KILLERS

PARA sa kabayarang P150,000 para sa apat na hired killers, pinagbabaril ang isang kilalang siruhano at urologist sa lungsod ng Cagayan de Oro, lalawigan ng Misamis Oriental.

Ikinumpisal ito ng mga suspek na nadakip noong Biyernes, 3 Disyembre, ang nakatakdang araw ng pagkolekta nila ng ipina­ngakong salapi, at 17 oras matapos nilang isakatupa­ran ang krimen.

Nabatid na mag-isa sa kanyang sasakyan ang biktimang kinilalang si Dr. Raul Winston Andutan, 62 anyos, medical director ng Maria Reyna-Xavier University Hospital (MRXUH), nang pagba­barilin sa Brgy. Nazareth, sa naturang lungsod, pasado 10:00 am, noong Huwebes, 2 Disyembre.

Bagaman sugatan, nagawang magmaneho ng biktima upang makalayo sa mga suspek ngunit bumang­ga siya kalaunan sa isang laundry shop kung saan isang tao ang nasugatan.

Dinala si Andutan sa MRXUH sa kalapit na Brgy. Camaman-an kung saan siya tuluyang binawian ng buhay dahil sa tatlong tama ng bala ng baril sa kanyang katawan, ani P/Lt. Mirasol Capiña, deputy commander ng Nazareth police station.

Si Andutan ay nagtapos sa UP College of Medicine, naging pangulo ng Philippine Urological Association (PUA), at examiner at miyembro ng Philippine Board of Urology na nagbibigay ng akreditasyon sa mga urology training program sa bansa at nagbibigay ng pagkilala sa mga urologist matapos ang specialty training.

“The manner and gravity of this dastardly attack on one of our members marks a worrying escalation of violence. No cause can justify such brutality and senseless killing,” pahayag ng PUA.

Dakong 3:00 am noong Biyernes, nagkasa ng manhunt operation ang mga awtoridad sa Brgy. San Alonzo, sa bayan ng Balingoan, kung saan nadakip ang tatlong suspek na pawang mga residente sa lalawigan ng Bukidnon.

Kinilala ni P/Lt. Teddy Macarayo, acting Balingo­an police chief, ang mga suspek na sina Jomar Adlao, 30 anyos, ng bayan ng Maramag; Marjun Cabug, 39 anyos, ng bayan ng Don Carlos; at Joel Arcilla Nacua, 37 anyos, ng lung­sod ng Valencia, pawang sa lalawign ng Bukidnon.

Nasamsam ng mga tauhan ng pulisya sa safe­house na pinanatilihan ng mga suspek ang dalawang kargadong kalibre .45 pistol, at isang hand grenade.

Samantala, nakatakas ang pangunahing suspek na si Rene Tortosa, residen­te sa bayan Balingoan.

Makalipas ang ilang oras, nasakote ang isa pang suspek na kinilalang si Felipe Entira, 63 anyos, sa bayan ng Balingasag.

Sa panayam sa mga suspek ng lokal na esta­syon ng radyo, Magnum Radyo, inamin ni Nacua ang pamamaril kay Andutan habang nakaangkas sa motorsiklong minamaneho ni Cabug.

Ayon kay Nacua, nagsilbing ‘look out’ si Tortosa sa labas ng bahay ng biktima saka ibinigay sa kanila ang numero ng plaka ng sasakyang susundan nila ni Cabug.

Matapos maisagawa ang krimen, nagtungo ang dalawa sa inupahang boarding house sa Brgy. Camaman-an saka sila naghiwalay.

Huli umanong umalis si Nacua at sumakay ng bus patungong Balingoan pasado 1:00 pm noong Huwebes.

Narekober ng pulisya noong Biyernes ang motorsiklong ginamit ng dalawa malapit sa nasabing boarding house ng mga suspek.

Ayon kay P/Col. Aaron Mandia, direktor ng CDO city police, kinilala ng kasera at ilang mga kapitbahay na ang mga nadakip na suspek ang umuupa sa nasabing boarding house. 

Parehong umamin si Nacua at Cabug sa mag­kahiwalay na panayam ng Magnum Radyo na si Tortosa, isang dating sundalo, ang kumuha sa kanila para sa trabahong ito.

Pag-aari rin umano ni Tortosa ang bahay na pinun­tahan nila sa Bali­ngoan, ginamit na motor­siklo, mga baril at grana­dang nakompiska ng mga awtoridad mula sa kanila.

Ani Nacua at Cabug, hindi nila kilala ang mastermind at sinabi lang ni Tortoso na may namatay na pasyente sa kamay ng biktimang doktor.

Nakatakda rin umanong ibigay sa mga suspek ang kabayarang P150,000 noong Biyernes na hahatiin sa apat na katao.

Sa interogasyon sa mga suspek, lumalabas na si Tortosa ang kausap ng mastermind habang ang apat na suspek ang nagsa­gawa ng pamamaslang na binigyan ng P3,500 bilang operating expenses.

“We hereby condemn in the harshest terms this act of barbarism perpetrated on peaceful, law abiding citizens of our great city. One man’s shortcomings, whether real or imagined, is never reason enough to kill somebody, anybody,” pahayag sa social media ni Cagayan de Oro City Councilor Malou Gaane, isa rin doktor.

Mariing kinondena ng Council for Health and Development ang pama­maslang kay Andutan na kilala ng kanyang mga kasamahan at mga pa­syente bilang magaling na siruhano at doktor.

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

 “Sorsogon gold standard”pamarisan sa paggawa ng mga kalsada

MUKHANG unti-unti nang tinatalikuran ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lumang gawing …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Impeachment o sawsaw isyu lang?

HINDI naman tayo nanghuhusga pero ano itong nangyaring pag-iingay sa Kamara nitong Huwebes – ang …

PUP Ad Congress FEAT

Let’s Play! Future Creatives Take the First Move at 22nd AdCongress

In an industry where every move counts, the 22nd Advertising Congress (AdCongress) challenges the next …

Goitia

Goitia Walang Puwang ang Pananakot, Hindi Uurong ang Soberanya at Katotohanan ng Pilipinas

Ang Tangkang Pagsupil sa  Katotohanan ay Kalapastanganan Ang  naging palitan ng pahayag nina Commodore Jay …

ASEAN PARA Games

Team Pilipinas Kumapit sa Ikatlong Puwesto sa ASEAN Para Games
Matapos ang Sunod-sunod na Ginto at Bagong Rekord

Medal Standings (As of 22 Jan) Gold Silver Bronze Total1     Thailand     37    29    31    972     Indonesia   22    25    15    623     Philippines  11     7     8    264     Malaysia     9    13    18    405     Vietnam      …