HATAW News Team
PATULOY ang pag-arangkada sa survey ng tambalan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at kanyang running mate na si Vicente “Tito” Sotto III, para sa pagkapresidente at bise presidente sa 2022 national elections dahil mas tumibay ang suporta ng publiko.
Batay sa Pulso ng Pilipino survey na ginawa ng Issues and Advocacy Center (IAC), sina Lacson at Sotto ang pangalawang tandem na pinakapinipili ng mga botante para umupo bilang presidente at bise presidente sa susunod na anim na taon.
Nakuha ng dalawang batikang mambabatas ang rating na 21 porsiyento mula sa mga kalahok na kinuha sa Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region. Ginawa ang survey sa 1,200 kalahok mula 16-12 Nobyembre 2021, kasunod ng deadline para sa paghahain ng substitution ng mga kandidato para sa eleksiyon sa 9 Mayo 2022.
Sa naturang survey, naungusan nina Lacson-Sotto ang team nina Leni Robredo-Francis “Kiko” Pangilinan (15%); Manny Pacquiao-Lito Atienza, Isko Moreno-Doc Willie Ong (11%); at pinakahuli ang tambalan nina Ka Leody De Guzman-Walden Bello (2%).
Sa kabila nito, nauna nang sinabi ng Partido Reporma presidential candidate na hindi ito nakapokus sa mga resulta ng survey at sa halip ay binibigyan ng tuon ang pagbibigay ng solusyon sa mga umiiral na problema ng bansa.
Nagpapasalamat din si Lacson sa effort na ginagawa ng mga volunteer na tumutulong para maipakilala ang kanilang mga plataporma sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa tuloy-tuloy na “Online Kumustahan” nina Lacson at Sotto, na ang layunin ay malaman ang opinyon ng mga lokal na lider at residente para sa mas maayos na pamahalaan, inaasahan na patuloy pa ang pang-angat ng dalawang mambabatas na may pinagsamang 42 taon ng pagsisilbi sa Senado.
Bilang chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation nagpunta rin si Lacson sa Pag-asa Island, bahagi ng Spratlys archipelago, para malaman ang mga pangangailan ng 193 sibilyang naninirahan sa isla.
Inilinaw ni Lacson na hindi ito bahagi ng kanyang kampanya dahil matagal na siyang nakikipaglaban para sa soberanya ng Filipinas sa West Philippine Sea. Ang pagkakaroon ng ‘balance of power’ ang isa sa mga inihahaing solusyon ng mambabatas para sa isyu ng agawan sa teritoryo.
Dahil sa napababalitang pagkakaroon ng troll army at impluwensiya ng tandem na si Duterte, nanatiling nasa taas si Marcos, Jr., batay sa nabanggit na survey.