MATABIL
ni John Fontanilla
MUKHANG taon ni Sunshine Dizon ang 2021 dahil inuulan ng suwerte. Kalilipat lang nito sa ABS CBN ay sunod-sunod na ang trabaho mula sa top rating soap na Marry Me, Marry You na hinangaan ang husay sa drama at komedya, mayroon kaagad siyang bagong proyekto, ang Saving Goodbye na pinagbibidahan nina Seth Fedelin at Andrea Brillantes atbp..
Kasama rin si Sunshine sa bagong Joel Lamangan movie, ang Walker with Allen Dizon, Barbara Miguel, at Rita Avila.
Nagwagi rin ito sa katatapos na 34th PMPC Star Awards for Television para sa kategoryang Best Single Performance By An Actress para sa mahusay na pagganap sa Tadhana, sa episode na Magkano ang Forever.
Masayang-masaya si Sunshine na maraming blessings ang dumarating sa kanya ngayon at ang kanyang mga anak na sina Doreen at Anton ang kanyang inspirasyon.