ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SINIMULAN na kahapon, Oct. 21 ang shooting ng pelikulang Walker na hatid ng New Sunrise Films. Ito’y pinamamahalaan ni Direk Joel Lamangan at mula sa panulat ni Troy Espiritu.
Walker ang bagong tawag sa mga binansagang kalapating mababa ang lipad. Tampok sa Walker sina Allen Dizon, Rita Avila, Sunshine Dizon, Edgar Allan Guzman, Elora Españo, Barbara Miguel, Dorothy Gilmore, Jim Pebanco, Dave Bornea, Rico Barrera, Alex Agustin, at iba pa.
Ang award winning actor na si Allen ay gaganap bilang si Greg, isang police lieutenant at team leader na namuno sa raid na nahuli ang kahalayang ginagawa ng nanay ni Dolores (Rita) na si Carmen (Dorothy Gilmore) kay Jonah (Barbara).
` May tunay na asawa si Greg pero kabit niya ang panganay ni Dolores na si Flor (Sunshine). Mainit ang dugo ng pamilya ni Flor, lalong-lalo na ang pangalawang kapatid ni Flor na si Liezel (Elora) dahil pinagbibintangan nilang grupo ni Greg ang pumatay sa kanilang tatay. Tutol noong una si Greg sa pagkupkop ng kinakasama niyang si Flor sa kapatid nitong si Jonah. Pero tuwing aalis si Flor ng bahay ay may milagrong gagawin si Greg kay Jonah.
Masaya si Allen sa panibagong pelikulang pagsasamahan nila ni Direk Joel. Aniya, “Siyempre nakatutuwa na nakapapanibago dahil after two years na halos iyong pandemic, pero we are still, hindi ba, survivor. We are still alive, healthy, blessing… hindi ba?
“Parang iyon ang pinakamasaya ngayon, e… may blessing ka, healthy ka… and another gift na naman itong project na Walker, na lahat tayo ay excited na magsama-sama ulit ng ten days, at least hindi ba?”
Sambit ni Allen, “Hindi natin alam kung kailan magiging normal ang lahat, pero laban lang, laging laban lang tayong lahat.”
Bilang isang napakasamang pulis ang gagampanan niyang papel, paano ang kanyang magiging atake rito? Tugon ni Allen, “Challenging sa akin, kasi iba iyong character nitong Greg, e. Mabait sa asawa, pero may kabit, tapos tinitira pa iyong kapatid ng kabit niya, na may tama sa utak.
“So, hindi ba, parang walang konsiyensiya itong Greg, e? So. Siguro iyong kasamaan niya rito ay makikita, dapat kong ipakita kung paano iyong evil side ni Greg. Na all the time pala ay evil siya, takot pala siya sa asawa niya, pero sa totoong buhay ay talagang demonyo siya, evil personified.”
Kinilala naman ni Allen si Direk Joel bilang mentor. “Sinasabi ko lagi na si Direk Joel iyong mentor ko sa acting, siya lagi iyong pinapasalamatan ko na marami akong natutuhan sa kanya and excited akong makatrabaho palagi si Direk Joel. Kasi, alam ko na ang style niya and alam niya na rin iyong style ko. Kung paano ang mga atake ko, pagdating sa mga aktingan,” bulalas ni Allen.