BINAWIAN ng buhay si Colin Powell, isang retired four-star general na naging kauna-unahang Black US secretary of state at chairman ng Joint Chiefs of Staff kamakalawa dahil sa mga komplikasyong dulot ng CoVid-19.
Ayon sa isang kalatas ng pamilya Powell na ipinaskil sa Facebook, si Powell, 84, ay fully vaccinated ng bakuna kontra CoVid-19 at nasa Walter Reed National Medical Center dahil sa iba pang mga sakit gaya ng multiple myeloma at Parkinson’s disease.
Sumailalim sa operasyon para sa prostate cancer si Powell noong siya’y secretary of state sa ilalim ng administrasyon ni President George W. Bush.
Bilang chief diplomat, inihayag ni Powell sa pamosong talumpati sa United Nations Security Council noong Pebrero 2003 ang argumento ng White House sa pagsakop sa Iraq bunsod sa nakalap na ebidensiya ng intelligence coomunity na may nakatagong weapons of mass destruction sa naturang bansa.
Ang mga iniharap niyang ebidensiya kaugnay sa biological weapons ng Iraq ay napatunayang hindi totoo at noong mare-elect si Bush noong 2004 ay lumisan si Powell sa administrasyon.
Sa panayam kay Barbara Walters sa ABC News noong 2005, sinabi ni Powell na pinagsisihan niya ang mga naging pahayag niya sa UN noong 2003 at ito’y habambuhay na nag-iwan ng mantsa sa kanyang record at dadalhin niya ang sakit na idinulot nito.
Kahit miyembro ng Republican Party, inendoso niya ang presidential bid ni Democrat standard bearer Barack Obama noong 2008 at 2012 at naging vocal critic siya ni President Donald Trump.
Matapos ang pag-atake ng Trump supporters sa Capitol noong 6 Enero 2021, tuluyan nang tinlikuran ni Powell ang Republican Party. (ROSE NOVENARIO)