HATAWAN
ni Ed de Leon
MAS marami ang umaasa na magiging mas maganda na ang MMFF (Metro Manila Film Festival) sa taong ito kaysa noong mga nakaraang taon, na hanggang sa internet lamang sila kaya lalong hindi kumita. Ngayon medyo bukas na nga ang ilang sinehan, dahil pinapayagan na, ‘with restrictions.”
Pero ang problema, sino naman ang makabubuo ng isang mahusay na pelikula sa loob ng natitirang panahon para sa MMFF, at walang nakasisiguro kung ang sinehan ay muli na namang ipasasara ng IATF kung tumaas ang bilang ng covid. Problema ng mga negosyante sa IATF iyang, ”laban-laban, bawi-bawi” nilang decision maski noon pa man eh. Kaya kahit magbukas pa ang sinehan, wala pa ring producers na kumikilos. Isipin mo nga naman mamumuhunan ka ng pinakamababa eh, P30-M, tapos mayayari ka lang ng desisyong ”bawi-bawi.” Hindi naman kagaya iyan ng mga pelikulang indie at bomba sa internet na P300K lang, ayos na at ang bayad sa artista ay barya lang na pambili ng chippy, ayos na.
Hindi uusad ang industriya ng pelikula habang ”laban-laban, bawi-bawi” ang sistema ng IATF.