PATAY ang isang vendor matapos barilin ng isa sa dalawang hindi kilalang suspek sa kanyang stall sa loob ng palengke sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot ang biktimang kinilalang si Michael De Ocampo, 48 anyos, residente sa S. Pascual St., Brgy. San Agustin ng nasabing lungsod sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Diego Ngippol kay Malabon City police chief Col. Albert Barot, dakong 3:09 am, nang maganap ang pamamaril sa harap ng Mike and Tin Stall, sa Fish and Meat Section sa loob ng Malabon City Public Market sa Brgy. Tañong.
Abala umano ang biktima sa paghahanda ng kanyang mga panindang manok nang biglang dumating ang dalawang hindi kilalang suspek.
Isa rito ang lumapit saka pinagbabaril sa ulo ang biktima bago nagsitakas sa hindi matukoy na direksiyon.
Kaugnay nito, agad ipinag-utos ni Col. Barot sa mga tauhan ng Sub-Station 6 sa pamumuno ni P/Lt. Rommel Adrias ang follow-up operation para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa nasabing insidente. (ROMMEL SALES)