ni Ed de Leon
NAGSUMITE ng Certificate od Candidacy (COC) bilang partylist representative si Nora Aunor sa huling araw ng filing sa COMELEC center sa Pasay City.
Kung mahahalal at makakakuha kahit na sampung porsiyento ng kabuuang bilang ng mga botante, kakatawanin niya ang National Organization for the Responsive Advocacies for the Arts, o NORA A.
Unang sumabak sa politika si Nora sa kanilang probinsiya sa Bicol pero natalo. Ngayon susubukan niya ang partylist, at
malamang manawagan siya sa mga natitira pa niyang supporters nationwide.
Bukod kay Nora, marami pang mga artista ang may ambisyon ngayong makapasok sa kamara, na iniwan naman ni Vilma Santos matapos ang kanyang ikalawang term. Papalitan naman si Vilma ng kanyang asawang si Senador Ralph Recto.
Tumatakbo rin sa lower house si Richard Gomez, bilang kapalit naman ng kanyang asawang si Congresswoman Lucy Torres Gomez, na siya namang papalit sa kanya bilang mayor ng Ormoc.
Si Nora ay dalawang ulit na ring na-nominate bilang national artist, at dalawang ulit ding na-reject ng dalawang pangulo ng Pilipinas, sina Presidente Noynoy at Presidente Digong.
Sa statement si Nora sinasabi niyang tututukan ang sining na nagluklok sa kanya sa munting kinalalagyan niya ngayon.
“Sa mga manggagawa at mga taong bahagi rito mapaharap o likod man po ng kamera. Sa tagal ko na po sa industriya ay naging saksi po ako sa hindi magandang trato sa mga naging kasamahan ko sa trabaho lalo na po ang mga maliliit na manggagawa na bukod sa hindi po nababayaran ng tama ay hindi po naibibigay ang nararapat para sa kanila. Mayroon mang institusyong tumutulong ay nakikita ko po na hindi sapat ang medical assistance at mga tulong na naibibigay sa kanila. Kung ako po ay palarin, nais ko pong gumawa ng batas na mangangalaga sa kanilang karapatan at kapakanan lalo na ‘yung mga hindi na makapagtrabaho at nagkakasakit.
“Bibigyang pansin ko rin ang dapat na benepisyong mapunta sa kanila at sa kanilang pamilya para makatulong sa kanilang kabuhayan.
“Kasabay nito, bibigyan ko ring prioridad ang mga nasa sektor ng media lalo na ang mga nasa entertainment. Karamihan sa kanila ay walang fix na suweldo kaya dapat din silang tulungan.
“Pangalawa, sa mga katulad ko naman pong senior citizen ay alam ko po na may mga benebisyo na ring natatanggap pero naniniwala po ako na dapat pa po itong dagdagan lalo na ang buwanang pensiyon.
“Pangatlo, noong ginagawa ko po ang isa sa mga pelikula na ‘The Flor Contemplacion Story’ na umiikot ang istorya sa mga OFW ay namulat po ako nang husto sa kalagayan at problema ng mga kinikilala nating mga Bagong Bayani ng ating bansa. Marami po talagang nagiging biktima ng rape, nakukulong ng walang sala, inaabusong pisikal ng mga amo, namamatay na hindi maiuwi, biktima ng human trafficking, illegal recruiting at marami pang iba. Nakakaawa po ang mga sinasapit nila na ang tanging dahilan lang kaya nangibang bansa ay para lang po makatulong sa kanilang pamilya. Gusto ko pong maisabatas na magkaroon po ng karagdagang pondo para sa kanila para po hindi na maulit ang malagim na sinapit ng iba po nating kababayang OFW.
“Pang-apat naman po ay para sa mga Kabataan na Pag-asa po ng ating Bayan. Marami pa rin po sa sektor na ito na hanggang ngayon ang salat sa edukasyon na kailangang pagtuunan ng pansin. Malaki pong tulong ang nagagawa ng mga out of school youth at scholarship programs ng gobyerno pero kulang na kulang pa rin ito dahil napakataas pa rin ng antas ng hindi nakakapag-aral.
“Panglima, ang mga kaibigan natin na nasa sektor ng LGBTQIA+ na napalaki rin ng kontribusyon sa ating pamayanan at komunidad bukod sa pagiging makapamilya nila. Gusto ko pong maging mabagsik ang isusulong kong batas na poproteksiyon sa kanila.
“Pang-anim po ay ang mga magsasaka. Gagawin ko po ang aking makakaya na maiangat sila tulad ng mga magsasaka sa ibang bansa na mataas ang pagtingin at paghanga.
“Pampito po ay pagtutok ko sa Kalusugan na dapat din po nating bigyan ng pansin. Dapat pang palawakin ang batas sa mura at mga libreng gamot gayundin sa pag-aayos at pagtatayo ng mga public hospital na nagbibigay ng libreng medikal at serbisyo.
“Pangwalo po ay sa Pangkabuhayan. Kailangan po ng ating mga kababayan ang mayroong mapagkakakitaan.”
Iginiit pa ni Nora na, “ang lahat po ng ito ay maisasakatuparan ko po kung ako po ang inyong susuportahan. Wala po akong ibang hangad kundi ang makatulong at maipadama po sa inyo ang aking mabuting hangarin. At kung sakali po na ako ay manalo umasa po kayo na pipilitin ko na maging mabuting lider para po sa lahat.
“Muli, ako po si Nora Cabaltera Villamayor, Nora Aunor at ang inyo pong Ate Guy na nagsasabing gagawin ko po ang aking makakaya upang kayo po ay mapagsilbihan ng may malinis na hangarin, tapat at may pagmamahal.”