YANIG
ni Bong Ramos
HINDI na malaman kung ano ba talaga ang totoong estado ng ating community quarantine matapos isailalim sa GCQ with hightened restrictions ang National Capital Region (NCR), kalakip ang Alert level 4 na gumugulo sa isipan ng ating mga kababayan.
Hirap na hirap na ang mga tao sa dinaranas na sakripisyo at parusa sa pandemyang dulot ng CoVid-19 kung kaya’t huwag na sana silang bigyan ng sakit ng ulo para isipin pa ang kung ano-anong alituntuning ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force o ng National Task Force.
Tanggap na ng madlang people ang lahat ng hirap at pasakit partikular sa kanilang pisikal at pinansiyal na problema kaya huwag ninyong dagdagan ng mental stress para isipin pa ang bago ninyong gimik na alert level, na kung tutusin ay kayo lang ang nakaiintindi.
Wala rin nagbabago sa lahat ng aspekto maliban sa mga anyo at ngalan ng mga bago ninyong ipinapatupad na programa ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin nakikita’t nararamdaman ang publiko bagkus ay lalo pa yatang lumalala ang krisis at problema.
Mahabag naman sana kayo sa mga kapwa Filipino na labis na umaasa sa inyong kakayahan ngunit walang nagiging epekto. Iyon at iyon din, paulit-ulit lang ang nagiging kaganapan. Excuse me ha dahil halos dalawang taon n’yo nang tinatalakay ang isyung ito, have mercy!
At eto na naman nga, bukod sa GCQ with heightened restrictions, sukat na dagdagan n’yo pa ng alert level 4 partikular sa NCR. May sustansiya naman kaya itong kalakip o pawang miscellaneous lang at wala rin silbi.
Sa bago ninyong kinathang salita, malamang na idolo n’yo si Director Solidum ng Phivolcs dahil ang alert level na ito ay terminology ng mga volcanologist na nagsisilbing babala sa mga tao tuwing may bulkang nag-aalboroto at nakikitaan ng abnormal na aktibidad at may posibilidad rin na pumutok.
Sa simpleng salita, ang alert level na ito ay naka-tuon sa paglikas o evacuation ng mga tao sa lugar at perimeter na puwedeng mapinsala kung sakaling pumutok ang bulkan.
Maraming klase ang paglikas at ang mga ito ay ibinabase sa mga numero ng alert level mula 1-5. Ang pinakamatindi rito, ang mandatory evacuation at forceable evacuation na obligado kang lumikas at ilikas sa ayaw at sa gusto mo.
Kumbaga sa CoVid-19 ay may mild, asymptomatic o severe, kaya hindi puwedeng manatili sa bahay at obligadong dalhin sa ICU ng ospital sa ayaw at sa gusto mo.
Kung minsan ay nakatatakot din ang ipinatutupad ng IATF dahil para bang sinasabing maraming ililikas na mga tao kung ibabase sa salita ng Phivolcs.
Ang isa pang nakababahala, kung saan naman tayo ililikas gayong walang espasyo halos ang lahat ng ospital, baka itawid-dagat o mismong sa dagat na lang tayo dalhin?
Kung sa bagay, wala namang bulkang puputok dito sa NCR, ang tanging bagay lang na puputok dito ay ang mga ospital dahil sa sandamakmak na pasyente ang inihahatid na aktibo sa virus.
Sa kabilang dako, pumuputok na rin sa salapi ang mga bulsa ng iilan na nagpapasasa sa kaban ng bayan at ginawang negosyo ang panahon ng pandemya. Ibang klase rin kayo ha.