HATAWAN
ni Ed de Leon
UNANG-UNA yata si Boss Jerry Yap na nagdeklara sa kanyang social media account na siya ay nakasuporta kay Yorme Isko sa pagtakbo niyon bilang Presidente. Ang basehan naman niya ay ang magandang record ng paglilingkod ni Yorme sa loob ng 23 taon sa Maynila bilang konsehal, vice mayor, at ngayon nga ay mayor. Si Boss Jerry ay isang magandang indicator, dahil hindi lamang siya isang respetadong kolumnista, siya ay isa ring kilalang negosyante. Ibig sabihin ganyan din ang kaisipan ng business community.
Bagama’t magkaiba sila ng partido, sinabi rin ni Senator Ralph Recto na siya ay nakasuporta rin kay Yorme. Inamin niyang nagkausap sila, inilatag niyon sa kanya ang plataporma at naniniwala siyang iyon ang kailangan ng bansa sa ngayon, lalo na ang mga plano sa kalusugan at sa ginawa na noong Covid response. Ang Maynila ang unang local government na bumili ng sariling bakuna, nagpagawa ng isang malaking reception and isolation center, unang naglagay ng Covid ward sa isang city run hospital, at tumutulong maging sa ibang lunsod.
Malaki rin ang kanyang tulong sa PGH, bagama’t iyon ay nasa ilalim ng
DOH at hindi naman ng Maynila.
Si Ate Vi (Cong. Vilma Santos) naman, nagsabi na ring tumakbo man siya sa isang posisyon o hindi, susuporta siya kay Yorme. Bukod sa mga nagawa niya sa loob ng tatlong taon para sa Maynila, sinasabi niyang naniniwala siyang magiging mabuting leader si Yorme dahil iyon ay may takot sa Diyos. Maski sa pamumuno niya sa Maynila, at ngayon sa kanyang kandidatura, sinasabi niyang “God first.” Una ang paglilingkod sa Diyos. Hindi niya minumura ang Diyos, kaya’t marami ang naniniwala na hindi siya pababayaan ng Diyos.
Nakuha na rin niya ang religious community. Nakita kasi sa kanya ang pagiging malapit at laging nakasuporta sa simbahan. Nakiisa rin siya at malaki ang naitulong sa pagsalubong sa bagong arsobispo ng Maynila.
Pero sinasabi pa nila, si Ate Vi ang nakapag-rehistro ng pinakamalaking landslide victory sa kanyang kalaban noong siya ay gobernador pa ng Batangas, at kung nakasupporta nga sa kanya si Ate Vi, at nagkakasundo ang mga politiko sa ilalim ng kanilang One Batangas, kuha na ni Yorme ang buong probinsiya, at ilan ba ang mgaVilmanian sa buong Pilipinas?“May mga OFW pa sa amin, kaya maski boto sa abroad maraming makukuha kung sino man ang ieendoso talaga ni Ate Vi,” sabi ni Jojo Lim ng Vilma Santos Solid International Inc., na ang bilang pati ang affiliates sa abroad ay umaabot daw ng 10,000.