ARESTADO ang apat na lalaki, kabilang ang isang working student, sa isinagawang magkakahiwalay na anti-illegal gambling operation ng pulisya sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, nakatanggap ng tawag sa telepono ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) mula sa isang barangay information network hinggil sa nagaganap na ilegal gambling activity sa Sitio 6, Brgy. Catmon.
Kaagad nagresponde sa naturang lugar ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni P/Lt. Zoilo Aquillo sa koordinasyon sa Sub-Station 4 dakong 11:25 am na nagresulta sa pagkakaaresto kina Joel Daguplo, 24 anyos, construction worker; Val Candano, 18 anyos, working student; at Michael John Labrador, 18 anyos, pawang residente sa Brgy. Catmon.
Ayon sa imbestigador na si P/SSgt. Jeric Tindugan at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued, narekober sa mga nadakip ang tatlong pisong gamit bilang “pang-kara” at P440 bet money.
Dakong 3:10 pm nang madakip din ng mga operatiba ng SIS si Arsenio Dagumboy, Jr., 48 anyos, na naaktohang nagpapataya ng ‘loteng’ sa Ibarra St., Brgy. Acacia.
Nakompiska kay Dagumboy ang isang booklet o papelitos, isang ballpen at P220 bet money. (ROMMEL SALES)