ni BRIAN BILASANO
ANIM katao ang dinakip at nakompiska ang P1.2 bilyong halaga ng shabu sa magkakahiwalay na operasyong inilunsad kontra sa lahat ng uri ng ilegal na gawain at ipinagbabawal na gamot na pinamunuan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMGen. Vicente D. Danao, Jr.
Nakompiska ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division (RID), Regional Mobile Force Battalion (RMFB) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) noong 8 Setyembre 2021 ang iba’t ibang uri ng baril, mga piyesa at bala sa operasyong nagsimula sa Cubao, Quezon City na umabot sa Sta. Maria, Bulacan.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591, Sections 28 (Unlawful Acquisition, or Possession of Firearms and Ammunition) at Sec. 32 (Unlawful Manufacture, Importation, Sale or Disposition of Firearms or Ammunition or Parts) ang mga naarestong suspek na sina Mark Anthony Verona Jumadiao, Paquito Alberto Salvadiro, Benjamin Postrada Sosa, Noel Cuaresma Nicolas, Louie Ocampo Pavia, Nathan Arante Nicolas, at Remyna Bianca Palapar Lamorena.
Samantala, 181 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.2 bilyon ang nakompiska sa buy bust operation nitong 9 Setyembre 2021, dakong 9:27 pm sa Molino 3, Bacoor, Cavite.
Matagumpay na napigilan ng mga operatiba mula sa Philippine Drug Enforcement Agency, Armed Forces of the Philippines-Task Force NOAH, Bureau of Customs at National Intelligence Coordinating Agency ang tangkang pagbiyahe ng ilegal na droga na nakabalot sa Chinese-labelled packs patungo sa katimugang bahagi ng bansa.
Ang mga suspek na sina Danilo Untavar, 51 anyos, at Basher Bangon, 59 ay napatay ng mga operatiba matapos manlaban sa gitna ng operasyon.
Batay sa intelligence report, si Bangon ay itinuturing na top-level drug personality at lider ng Basher Drug Group. Ang mga suspek ay bodegero umano ng Chinese Drug Trafficking Group na nakabase sa Zambales, na kamakailan ay apat na Chinese drug dealers ang napatay ng mga awtoridad sa enkuwentro.
“I would like to give stern warning to everyone especially itong drug pushers. Well, sabi nga sa inyo, our government will never stop, we will never cease in our campaign against all forms of criminality lalong-lalo sa illegal drugs, terrorism and illegal possession of firearms. Hindi po tayo titigil n’yan. This will be a No Let Up campaign against all forms of illegal drugs. And if you will fight it out with our law enforcement agencies, isa lang ang pupuntahan ninyo,” pahayag ni NCRPO chief Danao.
Pinasalamatan din ni Danao ang mga operatiba mula sa iba’t ibang ahensiya sapagkat napigilan umano ng grupo ang posibleng paggamit sa drug money kaugnay sa nalalapit na eleksiyon sa 2022.