BULABUGIN
ni Jerry Yap
EWAN natin kung nasagap ng ‘radar’ ng lahat ng mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI) ang tungkol sa malupit na ‘proposals’ na pinakawalan ng isang division chief diyan sa main office.
Tungkol daw ito sa kanyang ‘heroic’ na rekomendasyon na pangalagaang huwag mabawasan ang Augmentation Pay (AP) sa ahensiya.
Dahil nga raw ‘bothered’ si Madam Division Chief sa unti-unting pagkalagas ng Trust Fund ng Bureau, kaya naman ang naisip niyang isulsol ‘este’ irekomenda kay Commissioner Jaime Morente, magsagawa ng ‘cost cutting measures, ang praktikal na paraan upang hindi mabawasan ang AP.
Una raw sa kanyang suhestiyon ay i-justify ang pagbibigay ng AP base sa output at performance ng mga empleyado. Kasama na riyan ang attendance ng mga pumapasok o ‘yung nagre-report nang aktuwal sa trabaho dahil mas malaki raw ang risk na kanilang hinaharap?!
Huwaw ka ha!
Si Madam Division Chief kaya? Consistent ba ang daily reporting niya sa BI main office?
Hallerrr!
Para rin sa kanya, mas dapat daw na kumubra ng AP ang mga nagre-report araw-araw sa kanilang opisina kompara sa mga naka-Work From Home (WFH).
Ito raw ay base sa direktiba ng Civil Service Commission (CSC) Memorandum Circular 18, na nagbibigay justification sa AP.
Naku ha!
As if aware ang CSC sa eksaktong grasya na tinatanggap ng BI?!
To top it all, ang talagang muntik na natin ikahulog sa ating kinauupuan ay ang nakapangingilabot na proposal nito na i-terminate ang serbisyo ng mga Senior Job Order Personnel, pati na ‘yung may ‘late’ at ‘undertime’ nang makailang beses mula Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon?!
Sonabagan!
“Akala ba natin ay relihiyosa si Madam Division Chief?”
“E ‘di yata, daig pa pala nito ang may tangan ng espada ni Damocles (Damocles’ Sword) na anomang oras ay handang pumugot ng ulo sa kahit sinong maging banta sa kanyang trono!”
Susmaryosep!
Madam Damocles ‘este’ Division Chief, hindi natin mawari kung ano ang masamang espiritong lumukob sa inyo upang magbigay kayo ng ganitong suhestiyon kay Komisyoner Morente.
Ang lupeeet po ninyo!
Ngayong panahon ng pandemya, lahat ay nakadarama ng hirap at pagdurusa, ang kinakailangan ng bawat isa ay magtulungan upang mabuhay at maka-survive.
Hindi kinakailangang hilahin pababa ang mga kapwa empleyado, sa halip, sila ay alalayan lalo na ‘yung mga salat sa buhay.
Kapag sinibak ang ‘job orders’ sa inyo, hindi lang sila ang inalisan mo ng karapatang mabuhay nang matiwasay kundi ‘yung pamilya nila na umaasa sa kanila.
Marami sa kanila, tanging ‘bread winner’ ng kani-kanilang pamilya. May mga anak na maliliit at naggagatas pa. Ang iba naman ay nag-aaral pa.
Isipin mo nga, kung sila ay kitlan ng hanapbuhay, baka ikaw pa ang maging mitsa ng ikasisira ng kanilang pamilya?!
Come to think of it, Madam Epal?
Paano kung bumaliktad ang kapalaran at ikaw naman ang nasa sitwasyon nila?
Ano kaya ang mararamdaman mo?
Para naman kay BI Commissioner Jaime Morente, diyan susubukin ang inyong ‘judgment’ kung kayo ba ay ‘natilamsikan’ ng karunungan ni Haring Solomon.
Nakasalalay sa inyong kamay ang kinabukasan ng mga nasasakupan. Siguro naman sa pagtatapos ng inyong termino, hindi ninyo hahayaang madungisan ang inyong pangalan bilang pinakamatagal na naupong Komisyoner ng BI dahil lang sa hindi makatarungang ‘sulsol’ ng nakapaligid sa iyo.
At para sa iyo, Madam Division Chief, mag-komisyoner ka muna bago isakatuparan ang mga nakasusulasok na balakin.
Yaks!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com