PANGIL
ni Tracy Cabrera
What we have done for ourselves alone dies with us; what we have done for others and the world remains and is immortal.
— American writer Albert Pike
PASAKALYE:
Text message…
Senador (Bong) Revilla, inabsuwelto ng Sandiganbayan sa 16 bilang ng graft ukol sa pork barrel scam. Kapag kaalyado ka ng Malakanyang, tiyak lalaya ka sa kulungan at ibabasura lahat ng tambak na kaso. Idol ko iyang si Bong lahat ng pelikula niya pinapanood ko. Pero nang magkaroon ng maanomalyang kaso, nawala ang paghanga ko sa kanya. Kahit idol kita kapag gumawa ng kataratadohan, no way kana. Tulad ni Erap na idol ko rin, pero nang makasuhan at makulong? Pwee ka na buti nga sa iyo. Ganyan ako, hahangaan kita hangga’t kahanga-hanga ang ginagawa mo, pupurihin kita hanggang langit. Pero kapag gumawa ka na ng kademonyohan? Isusuka kita hanggang sa impiyerno. Baka ‘di lang ako marami kami.
Department of Health (DOH), rumesbak kay Pacquiao: Hindi kami bumibili ng mga gamot na malapit nang ma-expire. Talaga, bumibili kayo o nanghihingi lang? Hahahaha! Okay, hindi pa malapit ma-expire? Pero hinahayaan ninyong ma-expire. Iyan ang balita sa DOH, mga gamot na nakatambak expired na pala. Juan po. — Juan ng Tondo (_639094818…)
* * *
GALIT ako sa Covid-19 dahil isa na namang kaibigan ang pumanaw dahil sa virus na ito.
Matagal ko nang kasamahan sa larangan ng pamamahayag si Ka Melo Acuña at ang turing ko sa kanya ay isang kapatid at kapamilya.
Nabigla ako sa hindi inaasahang pagpanaw ni Ka Melo dahil may dalawang linggong nakalipas nang magkausap kami sa cellphone. Wala siyang nabanggit na may karamdaman siya at sa pagkakakilala ko sa kanya, maganda ang kanyang kalusugan at hindi basta dadapuan ng anumang sakit — nagkamali pala ako.
Kaya nga galit ako sa CoVid-19…sa hindi mo inaasahang pagkakataon, maaari kang tamaan nito sa kabila ng pagiging maingat at pagsunod sa mga health safety protocol.
Paalam, kapatid na Melo…sa tuwing magrorosaryo ako, maaalala kita dahil ang gamit kong rosaryo ay iyong ipinasalubong mo sa aking maybahay noong galing ka sa Vatican.
It was an honor knowing you, my friend…
* * *
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart.