Thursday , December 19 2024
PANGIL ni Tracy Cabrera

Pangakong Napako

PANGIL
ni Tracy Cabrera

Don’t talk, just act. Don’t say, just show. Don’t promise, just prove. — Anonymous

UMABOT ng 25 taon ang paghihintay para kay Olympic silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco upang maramdamang may pag-asang matatanggap niya kahit maliit na bahagi man lang ng ipinangako sa kanya makaraang bigyan ng karangalan ang ating bansa sa boksing sa Atlanta Olympics noong 1996.

Edad 22-anyos lang si Onyok nang mapanalunan niya ang pilak at ngayo’y 47-anyos na siya, ang nakilala kong simple at mahinahon pa rin magsalitang head trainer, may pito hanggang walong taon na ang nakalipas sa Insider gym ng kaibigan kong taga-Sweden na si Krischter Bigander sa itaas ng kanyang kilalang restobar at hotel sa Burgos area ng Makati City.

Nakatakdang tumanggap ng kalahating milyong piso sa gitna ng mga ulat na ipinoproseso na ngayon ng Tanggapan ng Pangulo ang probisyong pinansiyal na tulong para kay Velasco sa pagbibigay niya ng karangalan sa ating bansa sa Atlanta Games dalawang dekada at kalahti ang nakalipas.

Salamat kay dating special assistant ni Pangulong Rodrigo Duterte at first-time senator Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate committee on sports, at naging positibo ang matagal nang nabalam na pabuya para kay Onyok.

Matapos manalo ng pilak sa Olimpiyada, bumaling si Onyok sa showbiz para maka-survive at masuportahan ang kanyang mga pangangailangan hanggang makaharap ko siya sa kauna-unahang pagkakataon sa L.A. Café sa panulukan ng Romeo Salas at M.H. Del Pilar sa Ermita, Manila, at kalaunan sa gym ni Krischter sa Makati.

Dating paboritong tambayan ang L.A. Café dahil sa inuman at paglalaro ng bilyar at dito ko rin nakilala ang unang boksingerong nagpatumba sa ating fighting senator na si Emmanuel “Manny” Pacquiao sa katauhan ni Rustico Torrecampo at maging si Pacman mismo at ang kanyang kapatid na naglaro ng ilang exhibition game ng eight-ball, at gayondin ang kumpareng The Magician Efren “Bata” Reyes.

Ayon kay Onyok, aabot sa P2.5 milyon ang dapat niyang matanggap batay sa mga pangako ng ilang miyembro ng Kongreso noong 1996, bukod pa ang scholarship grant para sa kanyang mga anak. May isa rin negosyanteng nag-commit ng P10,000, na hindi nagpatuloy makalipas ang isang taon.

Umaasa si Senador Go na ang financial na ipagkakaloob ng pamahalaan ay makatutulong sa kanya.

“Sa panahon ni Pangulong Duterte, binibigyan natin ng importansiya, suporta, at insentibo ang mga atleta natin lalo na ‘yung mga nagtatagumpay sa Olympics ngayon. Bigyan rin dapat natin ng karampatang pagkilala ang mga atleta natin katulad ni Onyok na nangangailangan ng tulong natin ngayon,” ani Go.

“Nakapagdala ng honor si Onyok sa ating bansa, Napaglipasan lang ng panahon ang ibang mga ipinangako sa kanya. Kaya ako nakikiusap sa gobyerno na mabigyan siya ng konting tulong bilang pagkilala rin sa kanyang accomplishment noon,” dagdag nito.

Nakalualungkot isipin na ang ating mga bayani sa palakasan — matapos ibigay ang lahat para sa sambayanan — ay hahantong sa mga pangako na kapag minalas-malas ang tatanggap ay nauuwi sa wala.

Malaki ang paghihirap na dinaraanan ng ating mga atleta sa kabila ng kakulangan ng suporta, pagsasanay at pondo. Salamat sa tiwaling sistema na kumakalawang sa ating national sports program at pumipigil sa ating pag-unlad sa larangan ng pandaigigang sports.

Narinig na natin ang mga hinaing ng ating mga pambato sa Olympiyada ngunit naririnig nga ba natin sila?

Sa ating kaisipan, ang bahagyang pagtupad sa pangako ay pahiwatig na may katotohanan din ang pagbibiro ng ilang mga politiko: “Aba’y napangakuan na e dapat pa bang tuparin?!”

* * *

PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat.

About Tracy Cabrera

Check Also

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Firing Line Robert Roque

Pagod na sa daluyong — kahit pa nasa tasa

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MAKALIPAS ang 10 araw sa detension, pinalaya na nitong …

Dragon Lady Amor Virata

Bayaw vs hipag for P’que city mayor

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MAGBABALIK si formermayor and congressman Edwin L. Olivarez sa …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *