UMABOT sa 57 construction workers ang nagpositibo sa CoVid-19 na naka-lockdown sa barracks ng itinatayong condominium sa Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Nabatid sa Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), may unang 27 trabahador ang nagpositibo sa construction site ng ginagawang condo sa Araneta City na matatagpuan sa Standford St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao.
Sa kalalabas na resulta ng swab test mula sa CESU, nahawaan ang 30 construction workers ng naunang 27 trabahador na nagpositibo nitong nakalipas na araw.
Kaya umabot sa 57 ang CoVid-19 positive sa kabuuang 274 construction workers na naka-lockdown sa kanilang barracks sa nasabing lugar.
Agad nakipag-ugnayan si barangay chairman Marciano Buena-Agua,, Jr., sa lokal na pamahalaan ng Quezon City para agad mailipat sa quarantine facility ang mga nagpositibong trabahador upang maiwasang mahawaan pa ang maraming kasamahan nito na naka-lockdown sa barracks.
Aniya, kapag pinatagal pa ang mga trabahador na may CoVid-19, malaki ang tsansa na mahawaan na rin ang 217 pang construction workers na nagtatrabaho sa itinatayong condo sa Araneta City.
Batay sa rekord ng nasabing barangay, nitong 18 Agosto pa nang ini-lockdown ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang barracks na pagmamay-ari umano ng Mec Construction Company dahil sa hawaan ng nasabing virus. (ALMAR DANGUILAN)