BULABUGIN
ni Jerry Yap
ISANG report ang natanggap ng aming opisina tungkol sa mga naglipanang undocumented Chinese workers sa JB Tower, Qatar, at Sunjoy building na nasa Kapitan Ambo at Cuneta streets sa siyudad ng Pasay.
Ang mga nabanggit na towers, ay kilalang pinamumugaran ng mga Tsekwa na walang kaukulang permit at dokumento sa Bureau of Immigration (BI).
Ang New Baclaran Galleria Mall, isang shopping arcade sa Baclaran ay puno ng mga bodega ng mga Tsekwa na kitang-kita ang pag-iimpake ng kanilang mga produktong ipinadadala sa malalayong lugar sa bansa.
Matagal-tagal na rin tayong walang nakikitang malaking operasyon ang BI kung illegal aliens ang pag-uusapan.
Noong panahon ng namayapang si Fugitive Search Unit (FSU) Chief Bobby Raquepo, maraming accomplishments ang ibinigay niya sa BI, na nagpasikat nang husto sa kanilang opisina.
Naging daan din ito upang manumbalik ang tiwala ng iba’t ibang embahada sa kakayahan ng ahensiya na labanan ang kriminalidad sangkot ang mga tiwaling banyaga.
Kumusta naman kaya ang pumalit sa kanyang puwesto ngayon? Sana ay kasing sipag at kasing tikas din siya ng yumaong FSU Chief.
Samantala, hindi sapat na dahilan ang pandemic upang tumigil sa pagbisita sa mga ini-report na kuta ng undocumented aliens ang BI operatives.
Alalahanin na tuloy-tuloy pa rin ang pasok ng Chinese nationals sa airport na nagkukubli sa mga ‘exemptions’ na binabayaran ‘este’ iniisyu sa kanila ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kung ito ay pababayaan, baka magulat tayo na lahat ng mga gusali at shopping centers sa lungsod ay puro “Made in China” na lang ang paninda?!
Papayag ba kayong mamayagpag uli ang mga gaya ni Betsy Chihuahuwa at Ana Si-lat na kilalang tongpats ng mga tsekwa sa Binondo at Divisoria?
Kataka-taka ang pananahimik ng mag-lola?!
At kanino kaya nakatongpats ang mga illegal Chinese sa Bureau?
Pakisagot nga Kernel Sagu?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com