ni ROSE NOVENARIO
TUMATANGGAP ng mahigit P51,000 ‘ilegal’ na umento sa sahod kada buwan ang president at chief executive officer ng state-run IBC-13 mula pa noong 2019 sa kabila ng 13 taon nang hindi nakatitikim ng wage hike ang rank and file employees.
Nabatid sa 2020 COA report, bukod sa President at CEO, nakapaloob sa basic pay ang illegal wage hike kada buwan ng OIC President and CEO na P27,049: ang On Air and Traffic Manager na P24,129; Internal Audit Manager na P22,819; Finance dep’t manager na P22,461; Production Manager na P18,546; at Engineering Manager na P16,657, sa isang taon ay may kabuuang halos P2 milyon.
Ibig sabihin, sa bawat buwan, ang suma total na inilalabas sa pondo ng IBC-13 para sa ‘illegal wage hike’ ay P182,725, katumbas ng isang taon at tatlong buwan suweldo ng isang rank and file employee na may sahod na P12,000 kada buwan.
Anang COA, mula noong 2019 ay pinagsabihan ang IBC-13 management na walang approval ng Office of the President ang tinatanggap na wage hike ng kanilang mga opisyal at kung walang basbas na makuha ay kailangan ibalik ito sa kaban ng bayan.
Pinuna rin ng COA ang kostumbre ng IBC-13 sa personal bank account ng Finance manager ipinadedeposito ang bayad ng mga kliyente kahit may minamantinang account sa tatlong banko ang state-run TV network.
Ginagawa umano ito ng IBC-13 management upang umiwas sa garnishment ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil may pagkakautang na net value-added tax (VAT) na P114.706 milyon at witholding tax na P44.146 milyon.
Muling inirekomenda ng state auditors ang pagpapawalang bisa sa pinasok na joint venture agreement ng IBC-13 sa R-II Builders Inc., noong Marso 2010 dahil contract of sale ang kinalabasan ng JVA nang amyendahan ito noong 2016.
Noon pang 2018 COA report ay nakasaad ang bentahan ng 36,103 square meters na lupain ng IBC-13 sa R-II Builders imbes “sharing of net revenues in a residential development.” Batay sa amended JVA ay labag sa batas, hindi dumaan sa bidding kaya’t maaaring nalugi ang gobyerno sa transaksiyon.
Sa 2020 COA report, nakasaad na binubusisi ng COA Legal Affairs Office ang usapin na sakop na ng Audit Observation Memorandum.