Ikinatuwa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang landmark milestone project na Novaliches-Balara Aqueduct 4 (NBAQ4) makaraang matagumpay na tumagos sa La Mesa Reservoir ang gamit na tunnel-boring machine (TBM) mula sa entry shaft nito sa Balara, Quezon City, na may 7-km ang layo.
Ang P5.5-B NBAQ4 project ay isa sa pinakamalaking water supply infrastructure projects sa pangunguna ng MWSS. Ang proyektong ito ay paglalatag ng ika-apat na aqueduct mula La Mesa Reservoir papuntang Balara Treatment Plants (BTP) 1 at 2 ang isinasagawa ng Manila Water upang masigurong mananatiling maayos ang raw water transmission system.
Saksi ang piling panauhin nang tuluyang tumagos papalabas ang TBM cutter head mula sa konkreto ng La Mesa Reservoir exit shaft.
Inilunsad noong 28 Enero 2020, ang TBM “Dalisay” ay naglatag ng tubong may habang 7.3-kilometers at 3.1-meter diameter sa ilalim ng Commonwealth Avenue nang walang naging abala sa trapiko. Ang NBAQ4 ang kauna-unahang proyekto sa Metro Manila na gumamit ng TBM technology.
Sa pagtatapos ng pipelaying, ay tuluyan nang babaklasin ang TBM Dalisay at ang mga accessories nito at sisimulan na ang pagtatayo ng intake tower, outlet tower, at downstream network system.
Inaasahang matatapos ang proyektong ito sa Hunyo 2022. Katuwang ng Manila Water ang Arup na nagsisilbing project management consultant at ang NOVABALA joint venture na kinabibilangan ng mga design and building contractors na CMC di Ravenna (Italy), First Balfour, Inc. (Philippines), at Chun Wo Engineering (Hong Kong).
Sinabi ni MWSS Board of Trustees Chairman and OIC Administrator Gen. Reynaldo Velasco (Ret.) na ang flagship project na ito ng Manila Water ay malaking bahagi ng water security program ng naturang administrasyon.
“Part of the agency’s landmark achievements is coming up with interim and long-term water source projects to approximate at least 4,000 million liters per day (MLD) in the next 10 or 25 or, hopefully, 50 years,” ani Gen. Velasco.
Pinuri ni Gen. Velasco ang Manila Water dahil matagumpay nitong naisagawa ang water security component flasgship project. Napapanahon na ang rehabilitasyon ng tatlong aqueducts na kasalukuyang ginagamit at itinayo noon pang 1929, 1956, at 19868.
Ang nasabing aqueduct system ay patuloy na nagbibigay ng 1,600 million liters per day (MLD) na raw water sa BTP.
Ang NBAQ4 ay magsisilbing bagong aqueduct upang maisagawa ang samot- saring inspeksiyon at rehabilitation ng mga lumang aqueducts at masigurong hindi maapektohan ang water supply ng mahigit 7 million population sa East Zone concession area ng MWSS.
Nakapaloob sa NBAQ 4 project ang pagtatayo ng bagong intake facility sa La Mesa, paglalatag ng 1,000-MLD underground aqueduct, at konstruksiyon ng outlet facility sa BTP.