NAGWAKAS ang pagtatago ng isang 19-anyos lalaking nahaharap sa kasong panggagahasa matapos itong kumagat sa pain ng pulisya nang muling makipagkita sa biktima kahapon ng hapon sa Valenzuela City.
Kinilala ang suspek na si Mark Jayson Pasamonte, residente ng De Castro Purok 4, Brgy. Mapulang Lupa, Ugong ng nasabing barangay, nahaharap sa tatlong bilang na kasong rape at paglabag sa R.A. 7610 o Child Abuse sa sala ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Judge Mateo B. Altajeros ng Branch 26 na naglabas ng warrant of arrest noong 11 Disyembre 2020.
Walang piyansang inirekomenda ang korte sa kasong panggagahasa habang nagtakda ng P80,000 sa kasong paglabag sa R.A 7610.
Ayon kay P/Lt. Melito Pabon ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD), nabatid sa 16-anyos biktima ang paghihimok ng akusado na muling makipagkita sa dalagita sa kabila ng ginawang panghahalay sa biktima na naganap noong buwan ng Agosto hanggang Setyembre ng taong 2020.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang DSOU kay P/Maj. Vicky Tamayo, hepe ng District Women and Children’s Protection Desk (WCPD) upang isagawa ang pagdakip kay Pasamonte sa pamamagitan ng pakikipagkasundo ng biktima na muli silang magkita ng akusado.
Dakong 3:30 pm kahapon nang makipagkasundo ang biktima sa akusado na makipagkita sa isang convenience store sa Brgy. Bagbaguin ng nasabing lungsod na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Pinuri ni NPD Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr., ang mga tauhan ng DSOU at DWCPD sa pagkakadakip kay Pasamonte na kabilang sa listahan ng most wanted persons ng Valenzuela City.
(ROMMEL SALES)