Saturday , December 21 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

‘Digmaan’ sa Manila Bay

BALARAW
ni Ba Ipe

ANG susunod na digmaan sa Manila Bay ay hindi labanan ng mga sasakyang pandagat ng Estados Unidos at Espanya na nangyari mahigit isang siglo ang nakalipas. Digmaan ito ng iba’t ibang kompanya sa larangan ng negosyo – real estate business, sa maikli.

Habang bumabawi ang nalumpong pambansang ekonomiya sa masamang epekto ng pandemya, uumpisahan ang lima o anim na land reclamation projects na kumikilos ang mga pamahalaang lokal ng mga siyudad ng Maynila, Pasay, at Navotas upang tabunan ang ilang bahagi ng Manila Bay at gawing lupain na ginagamit sa pagtatayo ng pinaghalong komunidad para sa tirahan at negosyo. Magiging malaking negosyo ang mga bagong lupain sa hinaharap – mga lima o sampung taon mula ngayon.

Nawawala ang malalaking piraso ng lupa sa Metro Manila upang magamit sa negosyo at tirahan, ayon sa mga nagtataguyod ng mga proyekto. Nagtataasan ang presyo ng mga natitirang lupa. Bukod diyan hindi mapaalis ang mga nakatira, anila. Malaking problema ang right of way, dagdag nila. Malaking sakit ng ulo ang mga asunto tungkol diyan.

Kung naubos ang malalaking lupain, ang estratehiya ng mga LGU at mga kasamang pribadong kompanya sa baybay ng Look ng Maynila ay gumawa ng bagong lupain. Magagawa ito kung tatabunan ang ilang bahagi ng look. Mas mura at walang masyadong problema ang solusyon na ito. Bukod diyan, halos namamatay na ang Manila Bay dahil sa matinding polusyon.

Ngayon, maingay ang ilang grupo na nagtataguyod ng pangangalaga ng kalikasan. Tinutulan nila ang mga land reclamation project dahil maaaring mauwi ito sa matinding baha at storm surges sa panahon ng tag-ulan. Sisirain umano ng mga proyekto ang mga bahay ng mga isda sa look ng Maynila at mauuwi ito sa hindi balanseng kalikasan.

Nabigyan ng Notice to Proceed ang tatlo sa lima o anim na mga land reclamation project ng Philippine Reclamation Authority (PRA), ang sangay ng gobyerno na nangangasiwa sa lahat ng land reclamation project sa buong bansa. Inaasahan na tuloy-tuloy ang pagtatabon na maaaring matapos sa susunod na lima o anim na taon.

Halos patapos na ang Navotas City Coastal Bay Reclamation Project, nagsama ang LGU ng Navotas City at San Miguel Corporation (SMC) upang bumuo ng 576 ektarya ng bagong lupa mula sa baybaying dagat ng Navotas City. Nagkakahalaga ng P57.6 bilyon ang proyekto na inumpisahan noong 2017.

Nasa proseso ng soil stabilization ang proyekto. Pinatatag ang lupa upang gumawa ng kalsada, impraestruktura, at gusali na gagamitin sa negosyo tirahan, at iba pa. Gagamitin ang bagong lupain sa paliparan na itatayo ng SMC sa Bulacan. Nakatakdang itayo roon ang estasyon at depot ng MRT Navotas City, aviation depot ng bagong paliparan, sports center, biotech park ng mga kompanya ng gamot, aviation academy, hotel at restaurant, condo, at pabahay iba pa.

May dalawang land reclamation project sa teritoryong pandagat ng Pasay City. Itatayo ang unang proyekto – ang SM New Bay City – may sukat na 360 ektarya sa likod ng Mall of Asia. Proyekto ng Pasay City LGU at SM Prime Holdings. Bubuuin ng tatlong magkakahiwalay na isla ang proyekto at maglalaman ito ng mga condotel at restaurant, at mga gusali na magsisilbing tanggapan ng mga negosyo. Aabot sa P57 bilyon ang proyekto. Nagbigay na ng Notice to Proceed ang Pasay City LGU.

Palalawakin ang proyekto ng SM Prime Holdings sa pagtatayo ng pangalawang land reclamation project – ang 265 ektaryang Pasay Harbor Reclamation Project  sa tabi mismo ng SM New Bay City. Binubuo ng dalawang isla ang Pasay Harbor. Kasama ng Pasay City LGU ang Udenna Corp., ni Dennis Uy, Ulticon Construction ni Charlie Gonzales, at isang Chinese firm na magbibigay ng bagong teknolohiya. Aabot sa P72 bilyon ang proyekto ng Udenna at Ulticon.

May sukat na 55 ektarya ang unang isla ng Pasay Harbor at maglalaman ito ng sea aquarium, water park, camping ground, botanical garden, quays restaurant at hotel, adventure theme park, bikers’ park, museo at iba pa. May sukat na 210 ektarya ang pangalawang isla. Maglalaman ito ng yacht pier, helipad, port control para sa mga cruise ship, mga gusali para sa tirahan, negosyo, at aliwan, theme park, at mga high-rise condo.

May tatlo lang reclamation project sa teritoryong dagat ng Maynila, at kasama ng LGU ng Maynila ang tatlong iba’t ibang pribadong kompanya sa mga magkakahiwalay na proyekto. Nagsimula na ang proyekto ng Solar City ng Manila Gold Coast Holdings. May sukat na 148 ektarya ang Solar City at bubuuin ito ng tatlong isla sa likod ng Manila Yacht Club sa gawi ng Maynila. Iba ang konsepto ng Solar City dahil pawang solar panel ang gagamitin sa bawat gusali.

Kalapit ng Solar City ang proyektong 419 ektaryang Horizon Manila na itatayo ng Manila LGU at JBros. Aabot sa P60 bilyon ang proyekto at binubuo ito ng tatlong halos magkasinlaking isla. Uumpisahan na ang proyektong Manila Waterfront reclamation at itatayo ang 318 ektaryang isla sa likod ng Quirino Grandstand. Maaaring umabot sa P100 bilyon ang proyekto na sinasabing pinangungunahan ng grupo ng negosyanteng Ricky Razon.

May iba pang land reclamation project sa Manila Bay. Aabot sa 25 ang mga proyekto sa Look ng Maynila, bagaman sa kanila ay wala pang Notice to Proceed dahil sa epekto ng pandemya sa ekonomiya. Kasama rito ang reclamation ng 1,600 ektarya para sa planong Sangley Point International Airport, ang 1,300 ektaryang Bacoor City Reclamation Project ng Century Park Corp., ni Wilfredo Keng, at ang 287 ektaryang Parañaque City Wetland Park na hindi matuloy dahil sa pagtutol ni Cynthia Villar.

Kapag naitayo ang anim o limang proyekto sa Manila Bay, inaasahan ang labanan ng malalaking kompanya upang akitin ang mga negosyo na lumipat doon. Mukhang ang mga bagong reclamation project  ang aako ng paglakas at paglawak ng Bonifacio Global City sa Taguig City. Hindi maiiwasan ang mabangis na digmaan sa negosyong real estate.

About Ba Ipe

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *