AGARANG naghain ng magkahiwalay na resolusyon sina Senate Majority Leader Fraklin Drilon at Senador Richard Gordon bilang pagbibigay karangalan at pagkilala kay Hidilyn Diaz sa kanyang tagumpay na masungkit ang gintong medalya sa Tokyo Olympics sa Japan, nitong Lunes.
Nakapaloob sa magkahiwalay na resolusyon ng dalawang senador ang pagkilala sa kontribusyon ni Diaz para sa karangalan ng bansa, hindi lamang sa sports kundi maging sa international community.
Kabilang sa mga nagpaabot ng kanilang pagpupugay at pagbati sa tagumpay ni Diaz sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, senators Sonny Angara, Christopher Lawrence “Bong” Go, Panfilo “Ping” Lacson, Francis “Tol” Tolentino, at Joel Villanueva, Leila de Lima, Pia Cayetano, at Imee Marcos.
Sinabi ng mga senador, hindi matatawaran ang kontribusyon ni Diaz sa bansa dahil sa loob ng maraming dekada, ngayon lamang pumailanlang ang Lupang Hinirang, ibig sabihin ay pagkakamit ng unang gintong medalya ng Filipinas sa Olimpiada.
Tinukoy ng mga senador, ang pagsisikap at katapangan, kakayahan, at determinasyon na ipinamalas ni Diaz para makamit ang gintong medalya.
Idinagdag ng mga senador, tunay na inpirasyon si Diaz sa bawat Filipino lalo na’t ngayon ay nahaharap sa hamon ng pandemya ang buong bansa.
Inaasahang sa pagbabalik sa bansa ni Diaz ay pormal na iaabot ng mga senador ang resolusyon ng pagkilala.
Kaugnay nito isinusulong nina Zubiri, Angara, at Tolentino ang pagkakaroon ng Philippine Senate Medal of Honor award bilang pagkilala sa mga atleta, uniformed personnel, scientists at exceptional individuals o initutusyon sa kanilang extraordinary service at hindi matatawarang kontribusyon sa ating bansa.
Tinukoy ng tatlong senador na magdudulot ito ng bagong pag-asa sa bawat mamamayang Filipino para lalong magpursiging magtagumpay sa adhikain para sa karangalan ng bansa. (NIÑO ACLAN)