NAGSAGAWA ng spilling operations ang pamunuan ng Ipo Dam sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo ng tanghali, 25 Hulyo, dahil sa walang tigil at malakas na pag-ulan hatid ng habagat.
Naitala ang antas ng tubig sa dam sa 101.3 metro dakong 12:00 pm, mas mataas sa naitalang 100.56 metro dakong 7:00 am.
Sa advisory ng PAGASA, dakong 1:00 pm kahapon, inaasahang tataas ang antas ng tubig sa dam dahil sa malakas na pag-ulan.
Sinimulan ng pamunuan ng Ipo Dam ang pagpapakawala ng tubig dakong 12:29 pm na may approximate discharge na 40.8 sentimetro.
Pinayohan ng PAGASA ang mga residente sa mabababang lugar at malapit sa pampang ng Angat River mula sa mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, at Hagonoy, na maging alerto sa posibleng pagtaas ng tubig sa ilog.