BAGSAK sa kulungan ang isang rider matapos makuhaan ng shabu nang tangkaing takbuhan ang mga pulis na sumita sa kanya sa checkpoint dahil walang suot na helmet sa Valenzuela City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, Article 151 RPC, RA 10054 (Motorcycle Helmet Law of 2009) at RA 4136 Sec 15 at 19 (Failure to Carry Driver’s License and OR/CR) ang naarestong suspek na si Ruben Legaspi, 44 anyos, residente sa Langka Road, Brgy. Langka, Meycauayan, Bulacan.
Sa report ni SDEU investigator P/Cpl. Glenn De Chavez kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria, Jr., dakong 2:45 am, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Sub-Station 7 sa pamumuno ni deputy commander P/Lt. Arnold San Juan nang parahin nila si Legaspi dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo.
Nang hingan ng mga pulis ang suspek ng driver’s license at iba pang kaukulang dokumento, bukod sa hindi nakipagtulungan ay wala rin naipakitang dokumento saka tinangkang tumakas.
Gayonman, agad siyang napigilan saka inaresto nina P/SSgt. Marlon Carpio at P/SSgt. Moises Cereno at nang kapkapan ay nakuha sa suspek ang limang transparent plastic sachets na naglalaman ng 2 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P13,600 ang halaga.
(ROMMEL SALES)