KALABOSO ang isang lalaki matapos makompiskahan ng P340,000 halaga ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu sa isang buy bust operation sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Southern Police District chief, BGen. Jimili Macaraeg ang suspek na si Sapalon Noran, 26, ng Upper Bicutan, Taguig City.
Base sa ulat ng SPD, dakong 12:55 pm noong Sabado, nang isagawa ang buy bust operation ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni Maj. Cecilio Tomas, Jr., at ng Taguig City Police sa Block 55, Lot 7, Manalo St., Upper Bicutan sa nasabing lungsod na ikinaaresto ng suspek.
Binentahan umano ni Noran ng droga ang police poseur buyer na dahilan ng kanyang pagkakadakip.
Nakuha sa suspek ang 50 gramo ng hinihinalang shabu, weighing scale, cellphone, P1,000 buy bust money, at 60 pirasong boodle money; isang caliber magnum 357 at anim na bala ng naturang baril.
Si Noran ay nasa kustodiya ng DDEU-SPD at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
(JAJA GARCIA)