KALABOSO ang isang negosyanteng nagpanggap na National Bureau of Investigation (NBI) agent dahil sa kasong carnapping at pagdadala ng hinihinalang ilegal na droga, at baril nitong Sabado ng gabi sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay city police chief, Col. Cesar Paday-os ang suspek na si Mark Rovel De Ocampo, 41 anyos, residente sa Meadowoods Executive Village, Bacoor, Cavite.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions), RA 10883 (The New Anti-Carnapping Act of 2016), at Sec 11, RA 9165 (Comprehensive Drugs Act of 2002).
Kinilala rin ang mga biktima na sina Josephine Llavore, 44 anyos, at Rodrigo Villacorta, Jr., 38 anyos, kapwa negosyante.
Sa report ng Pasay Police, Sabado ng gabi nang mangyari ang insidente sa harapan ng isang condominium sa isang mall complex, dakong 10:45 pm.
Habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Pasay Police sa naturang lugar, namataan nilang may nagaganap na kaguluhan.
Agad nilang nilapitan upang alamin ang nangyayaring kaguluhan at dito nabataid sa dalawang biktima na kinarnap ang kanilang sasakyan ng suspek.
Dali-daling pumunta ang suspek sa kanyang sasakyan at aktong tatakas pero agad hinarang ng mga awtoridad at sinabihang sumuko at lumabas sa kanyang sasakyan.
Nagpakita ng NBI ID badge ang suspek at nagpanggap na isa siyang NBI agent saka binuksan ang bintana ng kanyang sasakyan.
Dito nakita ng mga pulis na may baril ang suspek nakita rin na may dalang umano’y droga.
Agad inaresto ng mga awtoridad ang nasabing suspek at nakompiska mula rito ang kalibre 9MM, kulay silver na Toyota Fortuner, may plakang NDM 9226, 33 gramo ng hinihinalang shabu na ang halaga ay tinatayang P224,400, 11 pirasong kulay pulang tabletas na pinaniniwalaang ecstasy.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa tanggapan ng Pasay City Police habang inihahanda ang reklamo ng mga alagad ng batas. (JAJA GARCIA)