HINIRANG na overall champion si super grandmaster Wesley So sa katatapos na 2021 Paris Rapid and Blitz na ginanap sa Rue de Tilsitt, France.
Ito’y dahil nanguna ang Bacoor, Cavite native So sa Blitz-B nang magtala ito ng 7.5 points sa 10-player single round robin.
Pangatlo lang si dating Philippine Chess team star player So sa first round ng Blitz-A nang magtala ng 5.5 puntos pero nakuha ang unahan matapos isama ang iskor nito sa Blitz-B at itala ang 12.5 puntos.
At sa kabuuan ay komolekta si So ng 24.5 points para makuha ang top sa leaderboard ng Paris Rapid and Blitz.
Nirehistro ni So ang 12 points sa Rapid play at naging mahigpit nitong karibal si Russian GM Ian Nepomniachtchi na pumangalawa naman at may naitalang 21.5 puntos (11pts. Rapid, 10.5pts. Blitz).
Nakadikit sa buong laban sa nasabing event si Nepomniachtchi kay So, kumalas lamang ang Pinoy nang manalo sa Round 7 ng Blitz-B kontra GM Alireza Firouzja ng Iran.
Sa last round, tinalo rin ni So si Nepomniachtchi para pormal na sikwatin ang korona sa kanyang pangalawang over-the-board, (OTB) game tournament.
Sa ngayon ay dala ni So ang bandera ng America sapul nang magpalit ito ng federation may pitong taon na ang nakalipas. (ARABELA PRINCESS DAWA)