Presidentiables, ano na?
Hataw Tabloid
June 18, 2021
Bulabugin
MALAPIT na ang eleksiyon — 11 buwan na lang, Mayo 2022 na. Pero bago ‘yan, siyempre filing ng certificate of candidacy (COC) muna sa Oktubre.
Kaya hindi nakapagtataka kung bakit mayroong galawan ng iba’t ibang puwersang politikal ngayon.
Hindi rin nakapagtataka na ngayon pa lang, nagbabanatan na ang mga posibleng kumandidato bilang pangulo sa 2022. Wala pa namang hayagan na nag-aanunsiyo ng kandidatura sa panguluhan. ‘Yun nga lang batay sa ikinikios ng iilan, malalaman mo na kung sino ang sasabak sa presidential at vice presidential race.
Nandiyang magbangayan tungkol sa CoVid-19 response sina VP Leni Robredo at Mayor Sarah Duterte. Nariyan din ang ginagawang pasundot-sundot ni Yorme Isko sa isyu ng panguluhan sa bansa. Si Senador Manny Pacquiao na sunod-sunod ang pagbira pati kay Pangulong Rodrigo Duterte na chairman ng partidong kanyang kinabibilangan.
Sa totoo lang, marami pa ang mga lumilitaw na pangalan wannabes spara sa top national positions. Si Senate President Tito Sotto, Senador Ping Lacson at si dating Senador Antonio “sonny” Trillanes IV na nagpahayag ng kanyang interes na tatakbo bilang pangulo kung hindi tatakbo si VP Leni para sa naturang posisyon. Nagsabi na rin si dating Speaker Alan Peter Cayetano na “he is seriously considering and discerning to run as president” o kaya iba pang national at maski lokal na posisyon.
Sa totoo lang, hindi na dapat gawing rason ng mga kakandidato ang pandemyang CoVid-19. Ang dami kasing nagsasabi na hindi pa dapat pag-usapan ang politika dahil maaga pa.
E sa Oktubre na ang filing ng COC, kaya dapat ngayon pa lang ay inihahayag na ng mga posibleng kakandidato ang kanilang plataporma de gobyerno lalo sa pagharap sa post CoVid at new normal na sitwasyon ng bansa. Dapat din ilahad nila sa publiko ang kanilang track record para hindi na magkagulatan kapag umarya na ang kampanya.
Ngayon kasi, imbes sabihin kung ano gagawin nila para sa economic recovery ng Filipinas, iringan at bangayan ang ginagawa ng marami sa mga wannabes na hanggang ngayon ay hindi pa maamin-amin sa kanilang sarili na kakandidato sila gayong halata naman ang kanilang mga ambisyon.
E sa totoo lang buti pa itong si dating Speaker Alan Peter Cayetano dahil kahit nag-iisip pa lang siya kung kakandidatong pangulo may mga naiisip na siya kung ano ang gagawin nya. E ngayon pa nga lang libo-libo na ang mga nakatanggap ng Sampung Libong Pag-asa o 10K ayuda, na kanyang programa kasama ang mga kaalyadong kongresista. Ito ay para maiahon ang ating mga kababayan na lubhang naapektohan ng pandemya.
Ang sabi nga niya dapat ipatawag ng NEDA ang lahat ng mga possible candidates upang tanungin at talakayin ang kanilang economic recovery plan para sa ating bansa. Hindi kasi dapat nanghuhula ang mga tao kung ano ang gagawin ni ganito at ni ganyan kung panahon na ng kampanya. Dapat ngayon pa lang cuentas claras na.
Sa totoo lang binabago ng Sampung Libong Pag-asa ang buhay ng mga tao kasi hindi naman dole out o pangtawid. Ito ay pang-ahon ng ating mga kababayan sa kanilang sitwasyon ngayon. Kaya nga natural lang na may mga nagsasabi na namomolitika si Cayetano sa pamimigay ng 10K ayuda.
Pero, ang sabi naman ng dating speaker, wala siyang paki kung sabihan siyang namomolitika. Mas gusustuhin pa niyang masabihan na namomolitika pero marami ang natutulungan kaysa hindi namomolitika pero wala namang ginagawang tulong sa kapwa.
Ang kailangan ngayon ng bansa ay bayanihan at dapat din itong isapuso ng bawat kandidato imbes ang kanilang sariling interes ang kanilang iniisip. Wala pa namang pinal na desisyon, pero ang saya siguro kung maipapatupad sa buong bansa ang mga proyektong ipinapatupad ngayon sa Taguig. Tulad ng door-to-door na paghahatid ng gamot ng mga senior citizen at iba pang residente.
Ang pagkakaroon ng P700-M scholarship fund taon-taon, libreng uniporme, sapatos, bag, notebook pati raincoats ng mga estudyante. Ang center for the elderly na kompleto sa amenities at may dialysis machines pa. Mabilis na responde sa panahon ng pangangailangan at iba pang magagandang proyekto na tinatamasa ngayon ng mga residente sa lungsod.
Kaya ang hamon natin sa mga nagbabalak kumandidato lalo sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo, por Dios por Santo lumantad na kayo, ngayon na! ‘Wag ninyong ibitin ang sambayanang Filipino sa mga plano ninyo para sa aming lahat. Nasa gitna tayo ng matinding krisis dahil sa pandemya kaya naman please lang ilahad n’yo na ang mga gusto ninyong gawin para sa kapakanan ng ating bayan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap