P2-M shabu timbog sa 2 bebot
MAHIGIT P2-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa dalawang suspek sa isinagawang buy bust operation sa Taguig City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Vicente Danao, Jr., ang dalawang suspek na sina Halima Macalunas, alyas Halima, 48 anyos; at Ponggo Pagayao, 20 anyos.
Pinuri ng NCRPO chief ang tagumpay ng operasyon ng Northern Police District (NPD) laban sa mga suspek sa Cagayan de Oro St., Brgy. Maharlika, Taguig City , dakong 7:00 pm nitong Miyerkoles, 16 Hunyo.
Sa isinumiteng ulat sa regional headquarters, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng NPD sa pangunguna ni P/Major Amor Cerillo, matapos ang intelligence operation laban sa pakay na mga suspek na dinayo pa sa Taguig.
Nasa anim malaking plastik ng hinihinalang shabu ang narekober, at P65,000 boodle money at isang genuine na P1,000 bill.
Ang nakompiskang droga ay may timbang na 300 gramo, may street value na 2,040,000.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang dalawang suspek sa Taguig Prosecutor’s Office. (JAJA GARCIA)